MARIING kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang mapang-udyok at delikadong aksiyon ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) ng China.
Matatandaan nitong Agosto 8, 2024, habang nagsasagawa ng routine maritime patrol sa Bajo de Masinloc ang Philippine Air Force (PAF) gamit ang NC-212i aircraft ay biglang nag-over take ang aircraft ng China at naghulog ng flares sa dadaanan ng eroplano ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. nalagay sa panganib ang mga personahe ng Philippine Air Force habang nagsasagawa ng maritime security operations sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
“Well, it’s really very dangerous ano, ‘yung ginawa po nilang maneuvers na ‘yun are very dangerous, in fact, bawal nga ‘yung ganung kalapit at ‘yung maglabas ng flares in the path of another aircraft, that is wrong. Very dangerous, iligal po ‘yung ginawa nilang maneuvers na ‘yun. That is dangerous and provocative,” ayon kay Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.
Naireport na ng AFP sa Department of Foreign Affairs (DFA) at ibang ahensiya ng gobyerno ang naturang insidente habang ligtas naman na nakabalik sa Clark Air Base ang mga piloto ng Philippine Air Force.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto Teodoro aasahan na nila na patuloy itong gagawin ng China.
“The National Maritime Council will consider these things but we have to expect na ito ay continuous pattern na gagawin ng Tsina na gagawin sa atin, ito ay continuous na struggle for presence and for assertion of sovereign rights in the area. So, you will have to expect these things to happen,” ayon kay Sec. Gilberto Teodoro, DND.
Tungkol naman sa tanong kung nakakaalarma ba ang ginawa ng China ito ang sagot ng kalihim.
“I do not think its alarming, it’s a response that we should need to be acclimated to,” sagot ni Teodoro.
AFP hindi hihinto sa mga ginagawang pagpatrolya sa teritoryo ng Pilipinas
Sa panig naman ng AFP kahit na inaasahan na nila na gagawin ulit ito ng China, hindi pa rin sila titigil sa mga ginagawang pagpa-patrolya sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
“Sabi nga ni Secretary ni Teodoro makikita natin na itong occurrence ng ito in the future. So, tuluy-tuloy pa rin ‘yung gagawin nating pagpatrolya at sinabihan nga natin ‘yung mga personnel natin sa AFP ‘wag matakot, hindi lang ‘yung mga piloto, pati na rin po ‘yung ating mga sailors ay dapat tuluy-tuloy ‘yung ginagawa nating maritime patrol,” ani Brawner.
Samantala, para naman kay DFA Secretary Enrique Manalo, palaging bukas ang Pilipinas sa mga gagawing pag-uusap.
“Hindi, of course tayo Pilipinas, we’re committed, we’ve always said to try and settle kung anong disputes or whatever through diplomatic and peaceful means. We will continue, it’s up to China whether they will,” ayon kay Sec. Enrique Manalo, DFA.