PINALAWIG ng isang linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paninita at hindi paniniket sa mga e-trike, e-bike, at iba pang kahalintulad na light vehicles na dumadaan sa national roads.
Ito ay matapos napaso ang grace period na ibinigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Mayo 18.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, patuloy na magpapaalala ang kanilang mga tauhan sa mga driver ng e-vehicles gaya ng e-bikes at e-trikes, pati na rin ang tricycles, pedicabs, pushcarts, at mga kuliglig na huwag dadaan sa mga national, circumferential, at radial roads.
Ani Artes na ang isang linggong extension ay magpapahintulot sa mga may-ari at driver ng e-vehicles na mag-comply sa rehistrasyon o pagkuha ng driver’s license.
Paalala ng opisyal na mai-impound ang mga unit kung walang vehicle registration at lisensiya sa oras na magsisimula ang regulasyon sa susunod na linggo.
Nagsagawa naman ng information drive ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa mga alternatibong ruta na puwede nilang daanan.
Samantala, ang mga na-impound na unit nakaraang buwan sa unang araw ng implementasyon ay nai-release na at hindi pinagbayad ng multa ang mga violator.