LIGTAS nang nailikas patungong Jordan ang 21 opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas na nasa Israel para sa agricultural-tech study tour.
Kabilang sa grupo ang 2 kongresista, 9 na alkalde, 4 na bise alkalde, 2 regional directors, at 4 na dairy specialists.
Tumawid sila sa King Hussein Border kung saan agad silang nabigyan ng libreng transit visa at tinulungan ng mga opisyal ng Pilipinas at Jordan.
Pinangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang koordinasyon, katuwang ang mga embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at Amman.
Ngunit habang ligtas nang nailikas ang mga opisyal, nananatiling nakaalerto ang mga OFW sa Israel para sa posibleng epekto ng lumalalang tensyon.
Para kay Rosie, isang Pilipino na matagal nang naninirahan sa Israel, sana’y ganun din daw kabilis ang aksiyon para sa mga kababayan nating nais makauwi ng bansa.
“Kung gaano kabilis dapat ‘yung ginawa nila doon sa mga mayor na iyun, eh dapat ganoon din po ang gagawin nila sa mga caregiver giver dito sa Israel. Iyon sana po ang hiling namin,” wika ni Rosie Sherma, Filipino sa Israel.
Ito ang kasalukuyang lagay sa Central Tel Aviv sa gitna ng umiigting na giyera sa pagitan ng Israel at Iran.
Kaya panawagan ni Rosie, sana’y magkaroon ng pantay na pagtrato sa mga ordinaryong manggagawa sa Israel tulad ng ibinibigay sa mga opisyal ng gobyerno.
“Kung paano sila pahirapan ng mga amo nila, hindi sila makapunta sa bomb shelter kasi gusto ng amo nila na mag-stay sila doon sa amo nila. ‘Yung anak pinupwersa sila. Kailangan tawagan ko pa ‘yung mga anak nila o ‘yung mga guardian ng amo nila para payagan silang pumunta ng bomb shelter. Tapos nakita ko sa balita itong mga mayor, itong mga ano sandali lang naalis sila? With guidance pa?” ayon pa kay Rosie.
Inihahanda na rin ng DFA ang paglikas ng unang batch ng mga Pilipino mula Israel sa mga susunod na araw.
Ayon kay Rosie, hati ang mga kababayan natin sa Israel dahil may gustong umuwi at may nais ding magpaiwan dahil sa kawalan ng kabuhayan sa Pilipinas.
Kaya hiling nila sa pamahalaan—bigyan ng pantay na pagtrato ang mga ordinaryong manggagawa at mga opisyal sa usapin ng repatriation.
“‘Totally alam ko, alam niyo din to ‘pag government iba po ang trato nila kaysa doon sa maliliit na tao. Sila po special, kami po hindi special,” ani Rosie.
Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 30,000 Pilipino sa Israel na ang karamihan ay mga caregiver.