Panukala para gawing vaccinator ang mga dentista at medical technologist, inihain

Panukala para gawing vaccinator ang mga dentista at medical technologist, inihain

ISINUSULONG ng ilang kongresista na gawin na ring vaccinator ang mga dentista at medical technologist sa bansa para makatulong sa vaccination program ng gobyerno kontra COVID-19.

Pina-aamyendahan ng House Bill No. 9354 nina Quezon 4th District Rep. Helen Tan, Quezon City 6th District Rep. Kit Belmonte at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo ang Republic Act No. 11525 o ang  “COVID-19 Vaccination Program Act.”

Sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act, tanging mga duly trained pharmacists, midwives, mga doktor at medical professionals ang maaaring magturok ng FDA approved COVID-19 vaccines.

Hindi kasama sa listahan ang mga dentista at pharmacist.

“But definitely, it will augment our vaccination rate kasi nga ngayon ang hirap dahil limited lang ang doctors for each municipalities especially outside Manila. We only have one doctor per municipality. Some municipalities don’t have doctors,” ayon kay Tan.

“So definitely kung e-aallow natin. May mga dentist tayo currently na very much willing to help but it’s not within the scope of their practice kasi. So gusto din nila na atleast ay merong mandato o nabigyan sila ng permit to do that,” dagdag ni Tan.

Para naman maabot ang herd immunity, nasa 70-milyong Pilipino ang kailangang mabakunahan o 70% ng populasyon ng bansa.

Sa ngayon, naabot na ng bansa ang 3 million mark sa nagpapatuloy na bakunahan.

Naabot na rin ng pamahalaan ang target na makapagturok ng 120,000 na bakuna sa loob ng isang araw mula sa dating 30,000 lamang.

Ayon sa gobyerno, inaasahang darating ang nasa 4 milyon pang COVID-19 vaccines mula Sinovac, Sputnik V, at Pfizer na galing sa COVAX facility ngayong Mayo.

Nakikita naman ng pamahalaan na maide-deliver na sa Hunyo ang 10 milyon pang bakuna, kasama na ang dagdag suplay ng Pfizer COVID-19 vaccine.

(BASAHIN: Pangulong Duterte, umaapela sa publiko na huwag mamili ng COVID-19 vaccines)

SMNI NEWS