NAKATAKDANG pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Biyernes, Disyembre 16 ang proposed 2023 national budget.
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na sa unang pagkakataon, ito ang pinakamaaga na mapipirmahan ang panukalang pambansang pondo.
Dagdag pa ng DBM chief, tinatrabaho ngayon ng ahensiya ang veto message, kino-consolidate ang lahat ng numero, mga pagbabago o amendments, na niratipikahan ng bicameral committee noong nakaraang linggo.
Inilarawan pa ni Pangandaman ang veto message ni Pangulong Marcos na “very friendly.”
Mayroon lamang aniyang dalawa o tatlong direct vetoes habang general at conditional observations na ang iba.
Binigyang-diin pa ng opisyal na maganda ang relasyon sa pagitan ng Executive, House of Representatives at Senate.
Idinagdag pa ni Pangandaman na may P70 billion na ni-realign ang mga mambabatas.
Base sa initial analysis, halos napunta ang pondong ito sa priority programs ng gobyerno sa hanay ng edukasyon at social assistance.
Gayundin sa transportasyon partikular sa libreng sakay sa EDSA Carousel at health sectors gaya ng medical assistance.
Muli ring iginiit ni Budget Secretary Pangandaman na naka-sentro ang 2023 national budget sa pagtiyak ng reporma at pagbabago sa serbisyo publiko.