BAHAGYANG natalakay sa virtual hearing ng House Committee on Transportation ang House Bill 5136 ni Parañaque Rep. Eric Olivarez kung saan kinakailangan ang helmet registration ng mga motorcycle rider o owner bago makakuha ng driver’s license.
Subalit sa mensahe ni Olivarez sa SMNI News, nilinaw nito ang tunay na motibo ng kaniyang panukala.
Ayon sa mambabatas, layon ng kaniyang bill na mapigil ang riding in tandem sa pamamagitan ng helmet registration.
Nilinaw rin ni Olivarez na hindi na nito isusulong ang panukala.
“Nais ko po sanang ipaalam sa lahat na ang aking ipinasa noong panukalang HB 5136 na naglayong mapigil ang mga riding-in-tandem modus operandi sa pamamagitan ng pagrehistro ng motorcycle helmet ay hindi ko na po isusulong sa Kongreso,” ipinabatid ni Olivarez.
Paliwanag pa ni Olivarez, September 2019 pa niya nang inihain ang proposed bill ngunit kahapon lamang raw ito naisalang sa committee agenda para matalakay.
“Ang HB 5136 ay na-file noon pang Setyembre 2019, ngunit ngayon lamang po naikalendaryong mapag-usapan sa Komite ng Transportasyon,” paglilinaw ng mambabatas.
Dahil sa nangyari, minabuti ni Olivarez na ipa-defer ang panukala at hindi na ito isasabatas pa.
Matatandaan na umani ng reaksyon mula sa ilang mambabatas ang panukala na ito ni Olivarez dahil sa timing.
Ito ay dahil sumabay ang nasabing panukala sa iba’t ibang transportation issue na bumabagabag sa mga motorista.
Kabilang dito ang isyu sa Private Motor Vehicle Inspection Centers na pati mga nagmomotorsiklo ay apektado.
Sa online survey naman ng SMNI News, umulan ng negatibong komento mula sa netizens ang panukala ni Olivarez.
Ang online poll ay umani ng mahigit sa 17K shares at libo-libong komento.
Ayon naman kay Olivarez, naiintindihan nito ang panig ng mga motorist lalo na’t malaking hamon ngayon ang pandemya sa kabuhayan.
Tiniyak naman ni Olivarez na hindi na uusad pa ang kaniyang panukala.
“Naiintindihan ko po ang hirap ng buhay ng ating mga kababayan lalo na ngayong may pandemya kung kaya’t minabuti ko pong kausapin ang Committee Secretary na idefer na ang panukalang batas na ito,” aniya pa.