ISASALANG sa review ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panukalang fare hike para sa transport network vehicle services (TNVS) o mga ride-hailing service.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, ito’y dahil kailangan pang isaalang-alang ang epekto nito sa commuters, maliban pa sa panig ng mga operator at driver.
Dapat aniya ay nakabatay ang fare hike sa mga datos at hindi maaaring gawin nang padalos-dalos at hindi pinag-aralan.
Matatandaang anim na taon na ang nakalipas nang huling in-update ang fare matrix para sa mga ride-hailing service gaya ng Grab, inDrive, at JoyRide.
Sa kasalukuyan, nasa P45 hanggang P55 ang pamasahe sa mga TNVS.