IPINAPANUKALA ng isang senador na magkaroon ng mas maraming Philippine General Hospital o PGH sa iba’t ibang parte ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang pulong balitaan mayroon na aniyang mga naunang plano na magkaroon ng iba pang PGH sa iba pang campuses ng University of the Philippines o UP system.
Ito ay kagaya na lamang sa Diliman, Cebu, Iloilo, Davao, Clark sa Pampanga at iba pang lugar na mayroong UP campus.
Dagdag pa ni Roque, ang budget ng naturang ospital ay hindi nagmumula sa Department of Health (DOH), kundi galing ito sa pondo ng UP.
Una rito, isinusulong ni Senator Richard Gordon na magkaroon ng mas maraming PGH sa iba’t ibang parte ng bansa para hindi lamang aasa ang karamihan sa PGH Manila.
Pahayag pa ng senador, mas maraming maseserbisyuhan kung may access sa ospital ang ating mga kababayan sa apat na sulok ng Pilipinas at upang maging matibay na rin ang health care system ng bansa.
Ang PGH ay isang state-owned hospital na pinangangasiwaan ng UP-Manila, na siyang pinakamalawak na government hospital sa bansa at isa sa mga pangunahing ospital din na takbuhan at nakatutok sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
(BASAHIN: Breast milk donations para sa mga sanggol na apektado ng sunog ipinanawagan— PGH)