Panukalang magsasabatas sa UP-DND Accord, isang ‘reasonable proposal’ —Palasyo

MAITUTURING na ‘reasonable proposal’ ang panukala ng ilang senador na i-institutionalize ang kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of National Defense (DND) kaugnay ng presensya ng security forces ng gobyerno sa mga campus ng unibersidad.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nirerespeto ng Palasyo ang prerogative ng mga mambabatas pagdating sa paggawa ng polisiya na ipinapatupad sa bansa.

Kasunod nito, Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Kongreso ang isinusulong na panukala.

Mababatid na inihain sa Senado ang Senate Bill 2002 na naglalayong amyendahan ang  UP Charter of 2008 o ang Republic Act 9500 na nagre-require na humingi muna ng abiso sa pamunuan ng pamantasan bago pumasok ang mga pulis at military sa lahat ng campuses ng UP.

Isinusulong nina Senators Joel Villanueva, Nancy Binay, Grace Poe, at Sonny Angara ang naturang panukala matapos ang pagkalas ng Department of National Defense sa 1989 UP-DND Accord.

Sa kabilang banda, nagpahayag ng kahandaan si Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa isang dayalogo sa pamunuan ng UP kasunod ng unilateral termination sa 1989 agreement.

Pero giit ni Lorenzana, magiging bukas lang siya para sa diskusyon kung maipapaliwanag ang pagkamatay ng ilang estudyante sa military encounters sa New People’s Army (NPA).

Una nang inihayag ni Secretary Roque na handa nitong ialok ang kanyang opisina bilang venue sa gaganaping diskusyon kung sakali.

“Linawin ko po ‘no. What I offered was my good office. Ibig sabihin hindi lang iyong physical office ko, pupuwedeng sa labas po kung saan pakakainin ako ni Presidente Danilo Concepcion. Pero so far po ang tumanggap lang po ay si Secretary Delfin Lorenzana; hindi pa po ako nakakarinig ng kahit anong komento kay President Danilo Concepcion, natatakot po sigurong pakainin ako sa labas,” pahayag ni Roque.

Mababatid na labis na ikinadismaya ng dating pangulo ng University of the Philippines (UP) ang pagbasura ng Department of National Defense (DND) sa kasunduan nito sa UP.

Sinabi ni dating UP President Jose Abueva na pinirmahan ang kasunduan sa pagitan ng DND at ng UP dahil ginagalang ni dating Defense Secretary Fidel Ramos ang karapatan sa kalayaan at hustisya.

Pero pagkwestyon ni Major General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines sa 1989 UP-DND Accord, paano na lang aniya isisilbi ng mga pulis o militar ang anuman warrants kung halimbawa ay mayroong shabu laboratory sa loob ng UP campuses, kung patuloy na ipinatutupad ang nasabing kasunduan.

Kasunod na rin ng pagbuwag ng Department of National Defense sa UP-DND accord noong 1989, ipinakakansela naman ni Duterte Youth Party-list Rep. Marie Cardema sa DND ang kasunduan nito sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Ang panawagang ito ni Cardema ay mariing tinututulan ng  PUP- Board of Regent.

Kung maalala, sa liham na may petsang Enero 15, inihayag ni Secretary Lorenzana na ang nasabing kasunduan ay balakid sa operasyon laban sa mga komunistang rebelde lalo na sa recruitment ng mga cadre sa loob ng UP.

SMNI NEWS