IPINUPURSIGE ngayon ni Davao City 1st District Rep. Pulong Duterte na ipasailalim sa isang mandatory random hair follicle drug test ang lahat na elected at appointed government officials sa bansa.
Sa kaniyang House Bill No. 10744, isasagawa ang mandatory random hair follicle drug test tuwing anim na buwan.
Target din ng panukala na maamyendahan ang Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para gawing opisyal ang voluntary random drug tests ng mga kandidato sa loob ng 90-araw bago ang mismong araw ng eleksiyon.
Iyon nga lang, sa isang press conference sa Kamara kamakailan ay sinabi ng ilang mga mambabatas na “unconstitutional” ito.
Si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, pumalag naman sa pahayag na “unconstitutional” ang panukala.
“‘Yung sinasabing unconstitutional, itong mga bugoy na ito ay abogado pa naman, ‘yan ay tumutukoy lang ‘yun doon sa mga kandidato sa Senado.”
“Kasi ang Konstitusyon ay maliwanag na nagbibigay ng kwalipikasyon kung ano lamang ang kailangan ng isang kandidato para tumakbo sa Senado.”
“Hindi kasama dun ‘yung mandatory drug test because if you put that as another qualification, passing that, then you are adding a qualification not provided by the Constitution.”
“Para dun lang ‘yun, kasi maliwanag ang Saligang Batas na ito lang ang kwalipikasyon pero pagdating doon sa mga nagtatrabaho sa gobyerno ay hindi unconstitutional ‘yun. Kailangan talaga magkaroon ng drug test lahat,” wika ni Atty. Salvador Panelo, Dating Chief Presidential Legal Counsel.
Binatikos din ng dating chief legal counsel ang pagkuwestiyon ng isang mambabatas sa intensiyon ni Cong. Pulong sa kaniyang panukala.
Hindi rin sang-ayon si Atty. Panelo sa sinabing may sini-single out si Cong. Pulong sa kaniyang panukala.
Sa huli, ipinunto rin ng abogado na hindi lang dapat random ang mandatory drug testing sa mga opisyal ng gobyerno kundi dapat mandatoryo ito para sa lahat.
“Tsaka, ayaw ko nga ‘yung random. Anong random? Lahat! Dapat lahat.”
“Hindi na ‘yung ano, namimili ka lang? Hindi po pwede ‘yun kasi ‘pag binigyan mo ng random, may discretion.”
“‘Pag may discretion, mamimili, eh, ‘di another ano ‘yan, another irregularity ang mangyayari diyan.”
“Pipiliin mo ‘yung mga walang, hindi adik. ‘Yung mga adik, hindi mo bibigyan ng test,” giit ni Panelo.