INILAHAD ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na suportado nila ang panukalang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ‘No Vaccine, No Subsidy’ sa lahat ng 4Ps beneficiary ng gobyerno.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, pabor ang ahensya sa naturang mungkahi na magpapabuti sa programa at higit sa lahat makapagbibigay proteksiyon sa mga benepisyaryo laban sa COVID-19.
Matatandaang, naging mainit na usapin ang ‘No Vaccine, No 4Ps Subsidy’ proposal ng DILG matapos lumabas na marami pa umano sa mga benepisyaryo ng programa ang hindi pa nababakunahan kontra virus.
Sinabi pa ni Relova, nagkaroon ng survey ang ahensya kung saan karamihan sa mga benipisyaryo ay may hesitancy sa pagbabakuna.
Dahil dito, sa tulong ng Department of Health (DOH), nagsagawa ito ng information education campaign materials upang sagutin ang kanilang hesitancy.
Sa datos ng DSWD tinatayang nasa halos 4.1 milyon beneficiaries ang mayroon sa 4Ps at hanggang Nobyembre 5 nasa 3.5 milyong beneficiary ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Aniya, dapat ikonsidera ito ng DILG dahil ang mga nasabing 4Ps ay kabilang sa A5 sector kung saan nagsisimula pa lamang ang pagbabakuna sa kanila at asahan naman aniya na magkakaroon ng nationwide rollout para sa A5 at tiyak tataas pa ang datos na ito.
Sa ngayon ay umaapela ang DSWD sa mga partner agencies na magkaroon muna ng pag-uusap tungkol dito at naniniwala ang ahensya na ang pagbabakuna ay isang boluntaryo at kinakailangan ang informed consent ng mga benepisyaryo.