Panukalang P10 minimum fare sa LTFRB, ikinadismaya ng ilang transport group

Panukalang P10 minimum fare sa LTFRB, ikinadismaya ng ilang transport group

DISMAYADO ang ilang transport group sa naging kinalabasan ng pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa kanilang inihihirit na taas presyo ng pamasahe.

Kabilang ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa mga transport group na nagpasa ng petisyon para maitaas sa P15 ang pamasahe dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.

Pero ang submitted for resolution pa lamang ng LTFRB kanina ay ang maitaas sa P10 ang minimum fare mula sa P9 sa kasalukuyan.

“Yun ang nakakalungkot sa parte namin. Napakaliwanag naman noong ating mga increases ng ating fuel. Sunod sunod na 9 na beses ang sunod sunod na pagtaas na malalaki rin po. Pagkatapos ngayon wina-one time big time tayo ngayon ng 5.85 ng ating diesel ngayong araw na ito,” pahayag ni Orlando Marquez, presidente ng LTOP.

“So, yong binigay lamang nila na piso, wala pong pupuntahan samin yon,” dagdag ni Marquez.

 

LTFRB, hirap sa pagbalanse sa fare hike petition

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, hirap silang balansehin ang petisyon dahil tila ang sasalo sa burden kapag naitaas ang pamasahe ay ang mga mananakay.

Kapag tumaas aniya ang pamasahe ay magkakaroon naman ng panawagan para sa taas o dagdag sahod ng mga manggagawa.

Ang Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda) kahit papaano ay kuntento na sa kinalabasan ng pagdinig.

Ayon kay Pasang Masda Ka Obet Martin, ang P10 na minimum fare ay matagal ng aprubado noon pang 2018 at pansamantalang ibinaba lamang sa P9 dahil sa pagbaba sa P38 ng diesel per liter noong mga nakaraang taon.

Isa sa panawagan nila kanina na maibalik ito sa P10.

“Ngayon noong 49 na ang diesel last year o ng February, sinabihan ko na sila na Chairman, baka pwede na nating ibalik yong 10 pesos, mabigat na. Hindi kako ko napakinggan. Sinabi nila na tutal nagfile kayo ng petisyon, o hintayin natin sa hearing,” saad ni Martin.

“Nag 54, nag 55. Binanggit ko na naman sa kaniya ngayon 60 pesos na ata per liter. Eh yon lang hinihiling namin. Ngayon during the hearing, submitted for resolution yong 1 peso,” dagdag nito.

Sinabi naman ng LTFRB  na ang service contracting program at fuel cash subsidy program sa oras na maipamahagi ito ay maiibsan ang pasanin ng mga Public Utility Vehicle (PUV) operator.

Sa tala ng LTFRB, mayroong 264, 443 na mga PUV operator sa ilalim ng LTFRB at 113,000 sa iba pang ahensya ang mabibigyan ng subsidiya mula sa P2.5-B na pondo na manggagaling sa 2022 General Appropriations Act.

Magkakaroon pa ng susunod na pagdinig ang LTFRB sa March 22 hinggil sa petisyon ng mga transport group.

Pero ang LTOP sinabing masyadong matagal pa ito gayong pwede naman agad na magdesisyon ang LTFRB  sa kanilang petisyon.

“Ang katwiran nila dito, mayroon naman daw subsidy na pinoprocess. Yang subsidy na yan, kailan pa sinabi na nila, April pa mailalabas yong pondo diyan sa subsidy na yan. Ultimo pasahero namin sila na nagsasabi na talagang kawawa naman kayo,” saad ng LTOP.

Follow SMNI News on Twitter