Panukalang P5.268-T 2023 national budget, nakatakdang isumite sa Kongreso sa Lunes

Panukalang P5.268-T 2023 national budget, nakatakdang isumite sa Kongreso sa Lunes

PLANTSADO na ang panukalang P5.268 trilyong national budget para sa susunod na taong 2023.

Nakatakdang isumite sa Kongreso ang unang full-year budget plan ng administrasyong Marcos sa susunod na linggo.

Naiprenta sa oras ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga dokumento ng 2023 National Budget  bago ang pagsusumite nito sa Kongreso sa Lunes, Agosto 22.

Ito ang  kinumpirma ni DBM Undersecretary Joselito Basilio sa isang Economic Forum sa Maynila.

Ang planong pagsusumite sa panukalang pambansang pondo sa Kamara ay alinsunod sa timeline na nakapaloob sa 1987 Constitution.

Base sa nakasaad sa konstitusyon, kinakailangang isumite ang proposed national budget, 30 araw mula sa pagbubukas ng regular session ng Kamara.

Samantala, ayon naman kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang pre-recorded video message, naging abala ang DBM sa paggawa ng isang badyet na hindi lamang tumutugon sa mga pangangailangan ng panahon, ngunit naaayon sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Dagdag pa ni Pangandaman, ang panukalang higit 5 trilyong piso pambansang badyet para sa 2023 ay magpapadali sa transformation at digitalization ng mga proseso, talaan, at database ng gobyerno sa pamamagitan ng e-governance.

Nabanggit din ng DBM na makakukuha ng pinakamalaking funding o kabilang sa budget priorities ng administrasyon ang mga sektor ng edukasyon, kalusugan, imprastraktura at agrikultura.

Matatandaang sa official Facebook page ng Office of the President, nakasaad dito na ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon ay 4.9 percent na mas mataas kaysa sa PHP5.024 trillion ng 2022 national budget.

Sinabi rin ng DBM chief na gagamitin din ng departamento ang panukalang badyet para mapahusay ang umiiral na Government Integrated Financial Management Information Systems (GIFMIS).

Follow SMNI News on Twitter