Panukalang paglipat ng working hours ng gobyerno sa 7AM-4PM, target ipatupad ngayong taon

Panukalang paglipat ng working hours ng gobyerno sa 7AM-4PM, target ipatupad ngayong taon

MAY inilatag na mungkahi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kamakailan patungkol sa pagkakaroon ng panibagong working hours para sa lahat ng national government agencies na nakabase sa National Capital Region (NCR).

Batay sa rekomendasyon, ang working hours ng government agencies ay gagawin na lamang mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon.

Ayon sa MMDA, makatutulong ito para mapagaan ang mabigat na daloy ng trapiko lalo’t isasailalim sa rehabilitasyon ang EDSA sa susunod na buwan.

Sabi naman ni MMDA Chairperson Romando Artes—kailangan pang pag-aralan ang panukalang paglipat ng working hours ng gobyerno.

Bukod rito, ikokonsulta aniya muna ang nasabing mungkahi sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan maging sa commuting public.

“Pinakita po natin iyong benepisyo na although limited nga po within the area ng mga city halls at preliminarily we endorsed na sana lahat pero, again, kami na rin po iyong nagsabi na kailangan pa po ng masusing pag-aaral at konsulta iyong mga different agencies and departments at kunin din po,” saad ni Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.

Kaugnay dito, umaasa si Artes na pagkatapos mapag-aralang maigi ay maipatutupad na rin ito ngayong taon.

“Hopefully within the year. If data will show na talagang may substantial improvement sa traffic particularly sa major roads, iri-request po natin iyan sa Pangulo na ma-implement based on data,” ani Artes.

Batay sa tala, nasa 500,000 ang kabuuang national government agency employees sa NCR kung saan nasa 200,000 sa kanila ang may sasakyan habang nasa 300,000 naman ang nagko-commute.

Sa ngayon, nasa lebel pa lang ng local government units (LGUs) ang ginagawa nilang konsultasyon hinggil sa panukala.

”So far, iyong nagbigay po ng feedback sa amin ay San Juan, Pasay and Pasig, at sinabi po nila na mas gusto nila iyon pong 7 to 4 na work hours,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble