Panuntunan sa pag-iisyu ng cash aid sa mga manggagawang nasa Alert Level 3, inilabas

Panuntunan sa pag-iisyu ng cash aid sa mga manggagawang nasa Alert Level 3, inilabas

INILABAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga panuntunan para sa pag-iisyu ng ₱5,000 one-time cash aid sa mga manggagawa sa pribadong sektor na apektado ng Alert Level 3.

Batay sa Department Order No. 232, kabuuang ₱1 billion ang alokasyon para sa programa na tinatawag na COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

Saklaw ng naturang kautusan ang mga manggagawa at indibidwal na naapektuhan ng pagpapatupad ng Alert Level 3 o mas mataas na restriksyon na idineklara ngayong Enero at sa hinaharap pa.

Nitong Huwebes, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF), ang pagsasailalim ng Alert Level 4 ng apat na probinsya sa bansa.

Ito ang inanunsyo ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Epektibo ang bagong alert levels na ito simula ngayong araw, Enero 21 hanggang Enero 31 ngayong taon.

Kabilang sa apat na probinsiya na itinaas sa Alert Level 4 ang Kalinga, Ifugao at Mountain Province sa Cordillera Administrative Region, at ang lalawigan ng Northern Samar.

Samantala, ilalagay naman sa Alert Level 3 ang mga sumusunod na lugar:

  • Luzon: Apayao, Puerto Princesa City at Masbate
  • Visayas: Siquijor
  • Mindanao: Zamboanga del Norte at Zamboanga Sibugay sa Region 9; Lanao del Norte sa Region 10; Davao de Oro at Davao Oriental sa Region 11; North Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat sa Region 12; Surigao del Norte sa Caraga; kasama ang Maguindanao at Basilan sa BARMM.

Follow SMNI News on Twitter