Panunumpa ng bagong Bangsamoro Officials, pinangunahan ni Pang. Marcos ngayong araw

Panunumpa ng bagong Bangsamoro Officials, pinangunahan ni Pang. Marcos ngayong araw

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panunumpa ng bagong itinalagang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Malakanyang ngayong araw.

Pinangalanan ni Pangulong Marcos ang bagong 80 mga miyembro ng BTA na kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.

Ayon kay Cruz-Angeles, nanumpa ang newly-appointed members at chief minister ng BTA Parliament for 2022-2025.

Inihayag naman ni Executive Secretary Vic Rodriguez na sinaksihan ni UN Resident Coordinator Gustavo Gonzales at iba pa ang naturang oath-taking ceremony na ginanap sa Palasyo ng Malakanyang.

Ibinahagi rin ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa kanyang official social media account ang naganap na oath taking sa Malakanyang.

Naka-upload naman sa official Facebook page ng Bangsamoro government ang listahan ng BTA members.

Mananatili si Moro Islamic Liberation Front (MILF)  Chairman Ahod Balawag Ebrahim bilang BTA interim chief minister.

Batay sa nilabas na statement ng Public Information, Publication and Media Relations Division ng BTA, mayorya sa workforce nito ay binubuo ng mga abogado, lawyer-certified public accountants, engineer, guro, doktor, arkitekto, media practitioner, politiko, dating halal na opisyal sa local levels, at government bureaucrats.

Mga representante rin ang mga ito mula sa mga probinsiya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi.

Kabilang din ang mga miyembro ng Bangsamoro community sa North Cotabato, indigenous peoples na hindi Moro, mga Kalagan o Kagan community sa Davao Oriental, at mga Kristiyano o settler communities sa Davao at Cotabato City.

Base sa nakasaad sa Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law, ang BTA ay “magiging interim government sa Bangsamoro Autonomous Region sa panahon ng transisyon,” na may mga lehislatibo at ehekutibong kapangyarihan at tungkulin ng pamahalaang Bangsamoro.

Nakapaloob pa sa Bangsamoro Organic Law na ang “MILF ang mamumuno sa BTA, nang walang pagkiling sa partisipasyon ng MNLF sa pagiging kasapi nito.

Dapat binubuo ito ng 80 miyembro na itatalaga ng Pangulo.

Mula sa 80 miyembro ng BTA, manggagaling ang 41 miyembro sa Moro Islamic Liberation Front habang mula naman sa Philippine government ang natitirang 39.

Ang 80 bagong interim members ng Bangsamoro Transition Authority ay magsisilbi hanggang June 30, 2025.

Matatandaang noong 2021, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang batas na naglilipat sa petsa ng first regular BARMM parliamentary at regional elections sa May 2025.

 

Follow SMNI News on Twitter