Parañaque Discipline Zone, mahigpit na ipatutupad

Parañaque Discipline Zone, mahigpit na ipatutupad

DISIPLINA, ito ang pinakamahalagang kaugalian na dapat maisabuhay ng bawat mamamayan lalo na sa lungsod ng Parañaque.

Pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang iba’t ibang kawani ng lokal na pamahalaan at barangay ang paglulunsad ng Parañaque Discipline Zone na ginanap sa kahabaan ng Roxas Boulevard ngayong araw, Setyembre 19, 2023.

Pangunahing misyon ng proyektong ito na maisulong ang pinakamataas na antas ng kaayusan, kapayapaan, seguridad, at kalinisan ng siyudad.

Ayon kay PCol. Reycon Garduque, nakapaloob sa nasabing ordinansa ang pagbabawal sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, pag-ihi, at pagkakalat sa mga pampublikong lugar.

“Basically ang ating local ordinances, anti-littering law, pagtitinda sa hindi designated areas, marami pa, pagtatapon ng mga basura sa hindi designated dumping site along discipline zone areas,” ayon kay PCol. Reycon Garduque, Chief of Police Parañaque City.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng curfew simula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga para sa mga menor de edad.

Ipinaliwanag din ni PCol. Reycon Garduque kung bakit sa Parañaque ipatutupad ang discipline zone.

“Kung mapapansin niyo bakit dito sa Parañaque, itong Baclaran mapapansin kasi natin na ito ‘yung lugar na dinadagsa lalo na ngayong Christmas season, ang taong pumupunta dito came from all walk of life, mamimili, magsisimba and yet ‘yung kung kanilang pagsunod sa mga ordinances dito ay walang nag-iimplement,” dagdag ni PCol. Garduque.

Ani Garduque, ang nasabing programa ay sa pakikipag-ugnayan ng lokal na barangay at pamahalaan upang mabigyan ng kaalaman ang publiko patungkol sa mga kaukulang parusa sa paglabag sa ipatutupad na batas.

Giit ng opisyal, pinakamahirap na bahagi ng pagpatutupad ay ang pagbibigay edukasyon sa mga mamamayan at sa mga dumadayo sa lugar at kung masita ay sasabihing wala silang alam sa panukala.

Kaya dapat na malaman ng publiko ang mga ganitong batas upang magkaroon ng disiplina sa kanilang sarili.

Kaugnay rito, hinihimok ni Garduque ang kooperasyon ng taumbayan.

“Hinihingi po natin ang konting pang-unawa lalo na ‘yung mga kababayan na apektado dito sa lugar na ito. Kailangan natin ng suporta at pang-unawa para maging successful itong programang ito. Ito naman ay para sa ikakabuti ng karamihan,” ani Garduque.

Ang discipline zone ay ipatutupad sa Baclaran, Parañaque at mga karatig lugar ng Southern Police.

Ang maaktuhang lalabag sa nasabing kautusan ay may kaukulang parusa na naaayon sa batas.

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble