Parañaque Mayor Olivarez, pagpapaliwanagin sa pagpapabakuna ni Mark Anthony Fernandez

PAGPAPALIWANAGIN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez kaugnay sa pagpapabakuna ng aktor na si Mark Anthonty Fernandez sa kabila ng hindi pagkakabilang sa priorty list.

(BASAHIN: Duterte, pinaiimbestigahan ang pagpapabakuna ng isang ‘anak ng artista’)

Sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na ilalabas mamayang hapon ang show cause order laban kay Olivarez.

Ayon kay Densing, command responsibility ng alkalde na masunod ang vaccination plan.

Samantala, sinabi ni Densing na nakatanggap siya ng impormasyon na isang konsehal at DOJ employee ang nabakunahan na rin kontra COVID-19 na paglabag sa priority list.

Nilinaw naman ng opisyal na makatatanggap pa rin ng ikalawang dose ng bakuna ang mga sumingit sa linya ngunit hindi sila makakatakas sa posibleng administrative case.

Dagdag pa ni Densing na nagbabala ang Philippine representative ng World Health Organization (WHO) na kung hindi susundin ng bansa ang vaccination protocol ay may opsyon sila na huwag nang magpadala ng karagdagang bakuna mula sa COVAX Facility sa Pilipinas.

Naging mainit ang usapin ang pagpapabakuna ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ng aktor na si Mark Anthony Fernandez.

Kaugnay ito sa kumakalat na larawan ni Fernandez sa Facebook kung saan makikita na hawak nito ang certificate na nakasaad ang “I got mine.”

Ayon sa pahayag ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, legal ang pagbabakuna kay Mark dahil may comorbidity ito.

SMNI NEWS