Parañaque LGU, handang tumalima sa desisyon ng MMDA sa pagsuspinde sa NCAP

Parañaque LGU, handang tumalima sa desisyon ng MMDA sa pagsuspinde sa NCAP

TINIYAK ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na susunod sila sa magiging desisyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sakaling suspendihin ang pagpatutupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ipinunto ni Mayor Olivarez na epektibo ang NCAP sa kanilang lungsod dahil mas nagiging masunurin sa batas trapiko ang mga motorista.

Naiiwasan din aniya ang ilang mga aksidente sa mga kalsada dahil nagiging mas maingat ang mga motorista sa pagmamaneho.

Nagiging mas maayos ang daloy ng trapiko sa ilang mga pangunahing kalsada sa lungsod ng Parañaque at nababawasan ang mga pasaway na mga motorista.

“In the city of Parañaque, it’s quite effective because they’re abiding with the traffic rules and regulations and that can prevent accidents because sometimes sa motorist they beat the red lights and sometimes they are not following traffic rules. And if there is a none contact apprehension, CCTV cameras they are more cautious with regard to safe driving,” pahayag ni Olivarez.

Matatandaan na una nang nanawagan ang Land Transportation Office (LTO) Chief Teofilo Guadiz III na suspindihin muna ang NCAP dahil sa dami ng reklamo hinggil dito at nais nila na pag-aaralan mabuti ang nasabing polisiya.

Batay sa mga reklamo, walang adjustment sa mga multa kahit hindi gaanong mabigat ang naging paglabag, at ang kawalan ng stoplight countdown timers kung kaya’t mahirap na masunod ang NCAP.

Madalas din ang operators ng public utility vehicles ang nagbabayad ng penalty kahit ang lumalabag sa batas trapiko ay ang mga driver.

Ang ilan sa mga nagpatutupad ng NCAP ay ang Maynila, Parañaque, Quezon City, San Juan at Valenzuela at maging ang MMDA sa Edsa.

BASAHIN: LTO, ipinag-utos na ihinto muna ang implementasyon ng No-Contact Apprehension Policy

Follow SMNI News on Twitter