Parlade, patuloy na makikiisa sa NTF-ELCAC matapos ang kanyang pagbitiw

Parlade, patuloy na makikiisa sa NTF-ELCAC matapos ang kanyang pagbitiw

HINDI muna mag-relax ang mga kritiko ayon sa pahayag ni South Luzon Commander Lieutenant General Antonio Parlade, Jr.

Ito’y matapos ipahayag ni LtGen. Parlade ang kanyang pagbitiw bilang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson at nakatakdang pagreretiro bilang SolCom commander sa Hulyo 26.

Aniya, sibilyan man sya o aktibo sa serbisyo, patuloy pa rin syang makiisa sa adbokasiya ng pamahalaan laban sa komunista o terorista.

“Pwede naman akong magsalita. Bakit? Kinakailangan bang maging spokesperson ka ng NTF-ELCAC para magsalita ka sa mga isyu na malapit sa puso natin? So, patuloy po tayo na mambabatikos kung kinakailangang gawin natin ‘yan at patuloy nating ipaglalaban itong ipinaglalaban natin even if I’m already out of the national task force ELCAC,” pahayag ni Parlade.

Muli namang nilinaw ni Parlade na boluntaryo siyang nagpasa ng resignation letter, isang buwan na ang nakalipas bilang spokesperson ng NTF-ELCAC.

Gusto lamang aniyang maibsan ang pressure ng NTF-ELCAC sa isyung pagkakatalaga niya bilang spokesperson ng task force kahit pa aktibo ito sa serbisyo bilang South Luzon Commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantala, inilarawan naman ni Parlade na seryoso ang kasalukuyang pamahalaan na tugunan ang isyu laban sa korupsiyon at terorismo.

Sinabi ni Parlade na ito ang rason kung bakit matagumpay ang NTF-ELCAC sa layunin nitong makapagbigay ng magandang buhay sa mga nagbabalik-loob sa pamahalaan.

“‘Yung ating national task force ELCAC, ang anchor n’yan is really good governance. Ako’y natutuwa na talagang seryoso ang gobyerno natin para i-address natin ang isyu na ito. Kita mo, napakadami nating mga proyekto, akala natin walang pera ang Pilipinas, napakadami pala nating pera kaya nga ang dami-dami nating nagagawa, mga kalsada, infrastructure, mga farm-to-market roads. So kami po ay natutuwa na nagkaroon tayo ng ganitong presidente (Pangulong Rodrigo Duterte),” pahayag ni Parlade.

Naniniwala naman si Parlade na matatapos ng Administrasyong Duterte ang laban ng pamahalaan kontra terorismo bago pa man ang 2022.

SMNI NEWS