HAMON pa rin ngayon sa industriya ng mga nag-aalaga ng baboy ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng ASF sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga lokal na hog raisers at industriya ng karne.
Pero, kahit nakahanap na ng solusyon ang Agriculture Department sa pamamagitan nga ng controlled vaccination ay hindi pa masasabing matagumpay ang kampanya ng gobyerno laban sa ASF.
Sa inilabas na Administrative Order Number 08 series of 2024 ay pinayagan na ng DA ang pagbabakuna ng ASF vaccine sa mga commercial farm.
Ayon sa AO, malaking hamon ang mababa o kakaunting bilang o partisipasyon ng mga maliliit na hog raisers sa isinagawang controlled vaccination program.
Dapat na rin anilang madaliin ang pagbabakuna sa mga malulusog na alagang baboy na nasa commercial farm.
Mahalaga anila na magsagawa ng bakunahan sa mga commercial farms upang tumaas ang vaccination rate at matukoy ang vaccine efficacy ng bakuna na sa ngayon ay nasa ilalim pa lamang ng Emergency Use Authorization.
Magkakaroon din ng partisipasyon ang Bureau of Animal Industry (BAI) accredited laboratories para sa gagawing monitoring at pagkolekta ng blood samples sa mga alagang baboy na nabakunahan na.
Ngunit, tanging mga producer lamang na kabilang sa Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program ang pasok.
Kinakailangang magsumite ng intent letter sa BAI at pumayag na magsagawa ng inspeksiyon sa kanilang mga farm.
Una na ring sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., simula sa buwan ng Nobyembre ay sunud-sunod na ang pagdating ng mga biniling bakuna mula Vietnam.
Aabot sa P350M ang pondo para sa 600,000 doses ng ASF vaccine.
Tiniyak din ng kalihim na hindi gagalaw ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan ngayong holiday season sa kabila ng ASF.
“So, we expect na hindi tataas ang presyo ng baboy, although demand masyado sa Pasko, dahil tuluy-tuloy pa ang pag-grow at gusto nilang katayin na kaagad iyong baboy, para ma-lessen iyong risk nila,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.