Partisipasyon ni VP Robredo sa infomercial kasama si PRRD, pag-aaralan —Malakanyang

Partisipasyon ni VP Robredo sa infomercial kasama si PRRD, pag-aaralan —Malakanyang

NAKADEPENDE kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang desisyon kaugnay ng mungkahing infomercial kasama si Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ia-assess pa ni Pangulong Duterte kung talaga bang mayroong kontribusyon ang pagsali ng bise presidente sa infomercial para sa vaccine confidence ng publiko.

Dagdag pa ni Roque, pag-aaralan nila kung makatutulong ang partisipasyon ni Robredo sa pagpapalakas ng kumpyansa ng publiko sa bakuna lalo’t tila may ilang isyu ang bise presidente kaugnay ng brands ng COVID-19 vaccines.

Una nang nagpahayag ng kahandaan si VP Robredo sa mungkahing infomercial kasama si Pangulong Duterte.

Pero sa kabila nito, duda ang Palasyo sa ideyang Duterte-Robredo tandem para sa isang advertisement.

Ito’y lalo’t hindi malinaw ang katayuan ni Robredo sa COVID-19 vaccines matapos ang kanyang tila pag-aalinlangan sa Chinese brands ng bakuna.

(BASAHIN: Robredo, lumikha ng duda sa Sinovac vaccine rollout —Duterte)

Gayunpaman, inihayag ng Malakanyang na batay sa pag-aaral ng Philippine Survey and Research Center (PSRC), lumalabas na epektibo ang kampanya ng gobyerno na “Mask, Hugas, Iwas” sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan sa bandang naroroon si Pangulong Duterte.

Ang naturang kampanya ay tampok ang mga manggagawang Pilipino mula sa iba’t ibang sektor at mamamayan na nag-oobserba ng minimum health standards.

Mababatid na nasa 2.5 milyong indibidwal na ang nakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine simula nang nag-rollout ang inoculation program ng pamahalaan noong Marso 1.

SMNI NEWS