NAGPAUNLAK ng panayam sa SMNI ang mga taga-Unyon ng Gabay ng Bayan o UGB Party-list kamakailan.
Sila ang kakatawan sa kapatiran ng Guardians sa buong bansa na binubuo ng iba’t ibang sektor—mula sa AFP, PNP, manggagawa, magsasaka at iba pa.
Sa kanilang pagtakbo sa 2025 mid-term elections, mabibigat na election reforms ang kanilang panata.
Kabilang dito ang zero vote-buying sa eleksiyon.
‘’Kami sa Guardians, sa dami namin sa buong Pilipinas, makikita namin at malalaman namin kung sino ang mag-e-engage sa vote buying sa darating na eleksyon and we’re doing something na maiintindihan ninyo. Alam namin kung sino ang namimili dahil kami ho ang binibigyan ninyo ng pera dahil kami ho ang tao sa baba,’’ ayon kay Bong ‘UGMF ISAAC’ Contapay 1st Nominee, UGB Party-list.
Saad rin ni Contapay na siya ring Universal President ng United Guardians Brotherhood, humigit-kumulang 5 milyon ang Guardians sa buong Pilipinas—lahat nakatutok sa plataporma nila na zero vote buying at good governance.
‘’Dito sa vote-buying na to, ito talaga ang number 1 na aming tinitignan na isa sa dahilan korupsiyon sa Pilipinas. Kasi ‘pag ako tumakbong mayor at nanalo ako, I spent hundred millions for this. Don’t tell me na hindi ako babawi? Gumasto ako eh, so magnanakaw muna ako,’’ saad nito.
‘’Huwag na tayong mag-plastikan bayan! Maiintindihan ninyo na ang inyong hinalal na pinaupo ninyo huwag kayong mag-expect diyan. Babawi at babawi yan,’ ayon nito.
Bukod sa anti-corruption na plataporma, isusulong din nila ang mga programa sa kalusugan, edukasyon, livelihood at pagpapahalaga sa kapayapaan.
Samantala, para maiwasan ang padrino system sa AFP at PNP, isusulong ng UGB ang pag-amyenda sa batas patungkol sa promotion ng mga opisyal sa uniformed personnel.
‘‘Ang process o system sa AFP, ‘pag ang isang sundalo mapo-promote ka into a Lieutenant Colonel o full Colonel up to General, dapat dadaan ka sa Senate confirmation. So it is the senators that say that you are qualified now to become a general pero kung titignan mo, anong pakialam ninyo sa mga kasundaluhan natin?’’ dagdag ni Contapay.
Itinatakda ng batas na kailangan dumaan sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang appointments at promosyon ng mga kalihim, public ministers, consuls, mga opisyal ng Armed Forces, at iba pa.
Binubuo ng mga senador at congressman ang CA.
Ayon kay Contapay na honorary member ng PMA Sandiwa Class 85 na dapat merit-based ang promosyon sa hanay.
‘’Ang nangyayari kasi, Lt. Col. ka pa lang, pasiko-siko ka na sa senador na bata mo ‘ko, bata mo ‘ko. So napo-politicized ‘yung ating kasundaluhan dahil sa batas na ‘yan. Okay lang naman na dumaan sa Senate confirmation, maybe the chief of staff pero magfu-full colonel ka pa lang dadaan ka na dun? Which is hindi tama siguro. Ayusin natin, medyo ilagay natin sa tama. Ayusin natin ang ating mga kasundaluhan,’’ saad ni Contapay.
Para sa karagdagang impormasyon sa UGP Party-list, maaaring sundan ang kanilang official social media accounts. https://www.facebook.com/@ugbpartylist/