Pasahero na nahaharang dahil sa human trafficking sa paliparan, nasa 5-10 kada araw—BI

Pasahero na nahaharang dahil sa human trafficking sa paliparan, nasa 5-10 kada araw—BI

AABOT sa 5-10 pasahero kada araw ang hinaharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pinaniniwalaang biktima ang mga ito ng human trafficking.

Paliwanag ni BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, mandato ng kanilang ahensiya na ipatupad ang strict departure policy sa mga paliparan dahil sa patuloy pa rin na umiiral ang trafficking sa bansa.

Giit ni Mabulac, ginagawa nila ang paghihigpit upang maprotektahan ang mga kababayan natin laban sa human trafficking.

“Kasi nakita po natin ang realidad ng trafficking. Marami po tayong nare-repat na mga nabiktima ng trafficking. At sa inyo na magta-travel sa labas ng bansa, kung ano po ‘yung purpose lalung-lalo na magtatrabaho, dumaan po tayo sa tamang programa at proseso na inilatag ng ating gobyerno,” pahayag ni Melvin Mabulac, Deputy Spokesperson, Bureau of Immigration.

Sinabi rin ni Mabulac na hindi lamang sa mga papaalis na pasahero sila naghihigpit dahil pati ang mga dumarating na mga dayuhan sa Pilipinas ay binabantayan din nila.

“May mga POGO dito na ang kanilang trabaho ay nakita natin scamming naman pala. Ito ay mga dayuhan na pumapasok. Kaya sa direktiba ng ating commissioner, in-strength po natin ‘yung pagpasok nila, bine-verify natin. Kaya nakita natin ‘yung increase na hindi natin pinapasok ‘pag nakita talaga natin na may mga elemento na possible na sila ay magtrabaho dito sa POGO,” ayon pa kay Mabulac.

Kaugnay rin nito ay nakipagkasundo ang BI sa Airport Press Club para matulungan ang ahensiya na maipalaganap sa publiko ang tamang proseso at tamang paraan upang hindi maging biktima ang sinumang indibidwal sa human trafficking.

Ang paglagda sa memorandum of understanding ay isinagawa araw ng Miyerkules sa lungsod ng Maynila.

“Napaka-importante natin. We have to understand kung biktima po natin yaong treatment po natin sa kanila, mayroon din tayong confidentiality rule as well at the same time din po educating them ‘yung tamang proseso kung ikaw magtatrabaho sa labas ng bansa dapat dumaan sa POEA at nakikita naming ang karamihan sa mga nabibiktima may panahon hindi nila alam,” giit pa ni Mabulac.

Samantala, kasunod ng naturang kaganapan ay isinagawa ang oathtaking ceremony sa mga bagong talagang opisyal ng Airport Press Club.

Naniniwala ang mga nasa aviation sector na malaki ang tulong ng mga media sa paliparan bilang gateway ng Pilipinas para ma-promote ang turismo sa bansa.

“Dati tayong miyembro ng APC kaya congratulations sa mga bagong opisyal kaya nagagalak ako, nandito pa rin tayong lahat,” ayon kay Eric Apolonio, Spokesperson, CAAP.

“Sapagkat naniniwala ako kapag binigyan ka ng responsibilidad tuparin mo yaon, so yaon po ang aking tinutupad. At dahil sa pagtutupad kong iyan ang paggabay po sa akin ay nanggagaling po sa inyo at diyan po ako nagpapasalamat,’’ ayon naman kay Eric Jose Ines, General Manager, MIAA.

“Kailangang-kailangan namin kayo dito kasi kayo ang makakatulong, hindi lang sa pagbabalita kung ano ang nangyayari dito sa buong airport kasi kayo talaga ang magsasabi kung ano ang magagandang dapat malaman ng mga turista about sa ating bansa,” pahayag naman ni Lito Alvarez, Manager, NNIC.

“May mga bagay din na hindi namin nakikita rin as an airline o as an operator pero kayo as press and bilang riding public, may naooberserbahan kayong room for improvement which is very good na nalalaman ng airline at ng operator,” ayon din kay Capt. Stanley Ng, President, Philippine Airlines.

“We will fully support you ang we thank you for being our partners and making sure yaong decision ng ating air travelers are always well informed because of your unbiased, truthful and accurate reporting of events,’’ saad ni FO Steve Dailisan, Spokesperson, AirAsia Philippines.

Itong press club na ito, isa sa matayog ang lipad kasi airport nga noh, at isa sa pinakamabilis kaya for the coming years narito lang po ako upang sumuporta sa inyo, basta kaya ko lang, anong pangangailangan narito lang po tayo,” ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, Director, NPC.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble