HINARANGAN ang isang pasahero na bibiyahe patungong Taiwan na sana’y magbakasyon doon sa loob ng dalawang linggo.
Ayon sa kuwento ni Amie Liaua, pinsan ng pasahero, dalawang beses siyang na-offload matapos na hindi naibigay ang 10 birth certificate na hinihingi umano ng Bureau of Immigration (BI) officer sa kaniya upang patunayan ang relasyon nilang dalawa bilang kamag-anak.
Ito sana ang kauna-unahang ‘out-of-the-country’ na biyahe ng pinsan ni Ammie.
At dahil sa nangyari aniya, na-depress at napuno umano ng sama ng loob ang kaniyang pinsan.
“Depress po siya. Parang disappointed kasi nandoon po ‘yung feeling niya na porke’t mahirap lang ako, ganito na ‘yung judge sa akin.”
“Sumama talaga ang loob niya. Kasi kumbaga ‘yun nga ang feeling niya parang sobrang liit ng tingin. Na-degrade ‘yung pagkatao niya,” ayon kay Ammie Liau, pinsan ng na-offload na pasahero.
Immigration, may nakitang ‘red flag’ sa pasaherong pa-Taiwan
Pinasinungalingan naman ng BI na hinanapan nila ng 10 birth certificate ang pinsan ni Ammie.
Sabi ni BI Deputy spokesperson Melvin Mabulac may nakita silang ilang red flags sa pasahero.
Bukod sa bigo itong patunayan ang kaniyang relasyon sa kaniyang pinsan na nasa Taiwan, nalaman nila na hindi totoong magbabakasyon doon ang pasahero kundi maghahanap pala ng trabaho.
“During the interview na-mention doon sa document na one of the purposes kung may pagkakataon, maghanap ng trabaho,” Melvin Mabulac, Deputy Spokesperson, BI.
Kinikilala ng batas ang karapatan ng sinuman na makapagbiyahe sa labas ng bansa.
Pero ani Mabulac, nakasaad sa en banc decision ng Korte Suprema noong Disyembre 13, 2011 na ang BI ay maaaring mag-offload ng mga pasahero sa tatlong batayan.
Dalawa rito aniya ay ang ‘doubtful purpose of travel’ at ‘possible victim of trafficking’.
“Because the nature ng agency is preventive, hindi na natin aantayin. Iyan ang ginagawa ng Immigration. At doon naman nakita na isa iyan sa bakit po hindi ang gobyerno nag-aallow na ikaw ay pupunta magtatrabaho lang na hindi ka dadaan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA)? Bakit po? Kasi walang guarantee, walang accountable local agency na mananagot sa iyo something happens to you sa abroad,” dagdag ni Mabulac.
Pero para kay Ammie, gumagawa lang ng palusot ang BI para malinis ang pangalan ng ahensiya mula sa pag-offload sa kaniyang pinsan.
“They’re just trying to clean. Nililinis lang nila pangalan nila na wala silang mali sa ginawa nila. But para sa akin, I don’t think so magsisinungaling ang pinsan ko kasi kilala ko siya. Kilalang-kilala ko pinsan ko,” dagdag ni Ammie Liau.
“We understand her emotion but it is in the guidelines, Memorandum Circular 035 and we implement,” ani Mabulac.
Pinsan ng na-offload na pasahero, nakiusap sa Immigration na maglabas ng specific guidelines
Pakiusap na lamang ni Ammie sa BI na dapat magkaroon ng specific guidelines at checklist ng mga dokumentong kailangang dalhin ng isang pasahero pa-abroad upang hindi paiba-iba ang hinihingi ng mga BI officer.
“Kailangan pare-pareho lahat ang hinihingi. Hindi ‘yung hinihingi nila ‘yung iba-iba pa na natural hindi madadala ng tao, ‘yung mga imposibleng dadalhin ng tao,” ani Liau.
Matatandaan na nagviral din kamakailan ang reklamo ng isang biyahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang hindi umabot sa kaniyang flight matapos siyang hinanapan ng yearbook ng isang BI officer.