UMAASA ang grupong Pasang Masda na aaprubahan na ngayong linggo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang hiling na taas-pasahe sa tradisyunal na dyip at modernized units.
Ngunit kung hindi umano ito maipagkakaloob, hindi anila malabong magsagawa sila ng malawakang tigil-pasada o isang malaking rally sa harap mismo ng tanggapan ng ahensiya.
Bandang 1 PM na ng Lunes, ngunit wala pa ring pasahero si Richard Iba habang nakapuwesto sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa panahong ito, matumal na aniya ang biyahe dahil sa matinding kompetisyon mula sa modernized jeepneys, habal-habal o motorcycle at taxis.
Karamihan ng kinikita nila ay nauubos lamang sa panggatong, pagkain, at iba pang gastusin sa araw-araw.
Ikinuwento ni Richard na kung dati, sapat ang kaniyang kinikita na halos P1K sa maghapong pasada, ngayon, hirap na siyang kitain ito.
Dahil dito, pabor siyang itaas sa P15 ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P13.
“Kung sa jeepney na ganito na luma sa P15 ay malaking bagay sa amin,” ani Richard Iba, Driver ng Jeep.
“Mas maganda na medyo mataas ang pamasahe sa ganitong biyahe ay makapagpakain tayo sa pamilya natin,” paliwanag pa niya.
Matatandaang nais ng grupong Pasang Masda, kasama ang iba pang transport organizations, na muling buhayin ngayong 2025 ang kanilang petisyong nakabinbin na sa LTFRB mula pa noong 2022 at 2023.
Inihihirit ng grupo ang P1 hanggang P3 na taas-pasahe sa parehong tradisyunal na dyip at modernized units.
Kung ito’y maaprubahan, ang kasalukuyang P13 na pamasahe sa dyip ay magiging P15, habang ang P15 na pasahe sa modernized units ay aakyat sa P17.
Si Obet Martin, Presidente ng Pasang Masda, ay umaasang mapagbibigyan ang kanilang hiling. Ngunit kung hindi, handa aniya ang grupo na magsagawa ng kilos-protesta sa harap ng LTFRB.
Mabigat na ang pasanin ng maraming tsuper dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pati na rin ng pagkain, kuryente, tubig, at iba pang pangunahing bilihin.
Pagdinig hinggil sa petisyon na taas-pasahe sa dyip at modernized units ng transport groups, nakatakda na sa Miyerkules—LTFRB
Tiniyak naman ng LTFRB na may ginagawa silang hakbang tungkol dito.
Sa katunayan, nakatakda na ngayong Miyerkules ang pagdinig sa petisyon ng transport groups.
“’Yung dating petisyon noong 2023 na naka-hold pa rin sa board ay ihe-heard ngayong Wednesday which is February 19 para i-continue ‘yung deliberations nung petisyon na fare increase sa ating PUJ,” pahayag ni Joel Bolano, Head, Technical Division, LTFRB.
Ngunit paglilinaw ng ahensiya, hindi nangangahulugan na awtomatikong maaaprubahan ang hiling na taas-pasahe.
Marami pa umanong kailangang pag-aralan, lalo na ang epekto nito sa mga commuter at inflation.
“Binabalanse natin ang pag-grant ng increase kasi mayroon itong effect sa ating inflation at doon sa ibang goods na maaapektuhan din po ‘yung mamamayan natin, ‘yung prices ng goods kapag nag-increase ‘yung fare,” dagdag paliwanag ni Bolano.
Follow SMNI News on Rumble