Pasay City, handa na para sa pagsasagawa ng COVID-19 vaccination program

SA pangunguna ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, binisita ng CODE Team ang Pasay City upang suriin ang mga paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa COVID-19 vaccination program.

Sa vaccination plan ng Pasay, nasa mahigit 130,189 ang prayoridad na tuturukan ng bakuna kung saan 4,546 dito ay health workers, 42,981 ay mga senior citizens, 81,990 ay mga nasa indigent population at 672 ay uniformed personnel.

Ayon kay Assistant City Health Officer Dr. Maria Lourdes San Juan,  labing pitong vaccination sites ang hinanda ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa vaccination sites na gagamitin ay 11 public schools, 2 covered courts at 4 na ospital.

Nakikipag-usap na rin ang LGU sa mga church leader sa planong gagamitin ang mga simbahan ng mga lungsod bilang vaccination sites.

Nagtalaga rin sila ng 297 ang vaccination workforce  kung saan 126 ang magsisilbing vaccinators at mayroon ding screening at assessment teams at health educator.

Target ng LGU na makapagbakuna ng mahigit anim na libong residente bawat araw o 464 na indibidwal sa bawat vaccine site.

Naglaan ang Pasay ng P250 million para sa COVID-19 vaccination.

Pinuri naman ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque ang magandang tugon ng LGU ng Pasay City sa pagsugpo ng COVID-19.

Pero kabila ng kahandaan ng Pasay City, mas marami pa rin sa mga residente nito ang natatakot na magpabakuna.

Pero ayon kay Mayor Imelda Calixto Rubiano handa siyang unang magpabakuna upang tumaas ang kumpyansa sa vaccine at maibsan ang takot ng kanyang nasasakupan.

Hinimok naman ni DILG Undersecretary Bernardo Florece Jr. ang mga mamamayan na makigpagtulungan sa national at local government units sa pagsugpo ng COVID-19 sa bansa.

SMNI NEWS