NASA “critical” risk classification para sa local government units o LGUs na ang Pasay City dahil sa biglaang pataas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Dr. Althea de Guzman, isang medical specialist sa DOH Epidemiology Bureau, nakita na nasa critical na lebel na ang LGU risk classification ng Pasay City.
Dagdag nito, nakikita na rin ang mutations at increased transmissibility sa lungsod na nakararanas ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay De Guzman, ang two-week growth rate ng COVID-19 sa Pasay City ay nasa 386 percent habang ang average daily attack rate naman ay nasa 24.7 kada 100,000 na populasyon.
Ngunit sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, sinabi naman ni Guzman na nananatiling nasa safe zone ang healthcare utilization sa lungsod na nasa 46 percent.
Nauna nang sinabi ni Guzman na apat sa anim na kaso ng South African variant ng SARS-Cov-2 virus na nagsasanhi ng COVID-19 ay galing sa Pasay City.