NAKATAKDANG tumanggap ng dagdag na Sinovac vaccine ang Pasay City bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Ayon kay Mayor Emi Calixto Rubiano, nasa 5,000 dosis ng Sinovac ang ilalaan ng pamahalaan sa kanilang lungsod.
Nauna nang nakatanggap ang Pasay City ng unang 500 dosis ng Sinovac vaccine, isang araw matapos dumating sa bansa ang shipment nito.
Matatandaang, iniulat ng OCTA Research Group ng University of the Philippines na isa ang Pasay City sa apat na lungsod sa Metro Manila na may mabilis na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019.
Kasunod nito ang pagsasailalim sa 210 households sa local Enhanced Community Quarantine status mula sa 77 na barangay sa lungsod dalawang linggo na hanggang ngayon.
Bukod sa COVID-19, nakapagtala rin ang lungsod ng apat na bagong kaso ng South African variant, pero kinumpirma ng Department of Health (DOH) na dalawa dito ay nakarekober na.
Isinailalim na rin sa close monitoring ng DOH ang lungsod dahil sa 386% COVID-19 case growth rate nito.
Nauna na ring pinag-aralan ng lungsod ang pagsasailalim ng buong lugar sa Modified Enhanced Community Quarantine dahil tumataas na bilang ng COVID-19 cases kasama na ang bagong South African variant sa lugar.
“Na-oobserbahan namin parang nako-contain naman within the community ‘yung case. Ang declaration naman kasi ng city wide ECQ will involve IATF and NCR also. Ang impact kasi nasa entire NCR dahil nakita niyo po at siyempre baka sa country na rin dahil nandidito sa amin ang airport, MRT, LRT. Travel hub po kami…Hindi po ako nag-o-object kung gagawing ECQ ang Pasay but the other agency and services must adjust accordingly,” ayon kay Mayor Calixto-Rubiano.