HINIMOK ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na imbestigahan ang TV commercial na nagsusulong sa pagbabago ng Saligang Batas.
Nais malaman ni Roque kung sino ang nasa likod nito at kung naaayon ba ito sa batas.
Kinuwestiyon din ng dating tagapagsalita ng Palasyo kung ano ang ginastos sa naturang advertisement.
Naniniwala naman si Roque na pinaghandaan ang pagsusulong ng People’s Initiative para sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Sa kabila rito, malaki ang paniniwala ni Roque na matalino na ang taumbayan at hindi na maloloko na ipagbili ang kanilang lagda para sa isinusulong na People’s Initiative para sa Charter Change (Cha-Cha).
Matatandaan na una na ring sinabi ni Albay 2nd District Rep. Edcel Lagman, dinagdagan ng P12-B ang budget ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong taon para sa conduct and supervision of elections, referenda, recall votes at plebiscites batay sa ipinasang 2024 national budget.
Ayon pa sa mambabatas, walang hinihinging dagdag-pondo ang COMELEC para sa nasabing mga aktibidad kabilang ang pagsasagawa ng plebisito para sa Cha-Cha.
Magugunita na sinabi rin ni Lagman na bibigyan umano ng P100 ang bawat indibidwal na lalagda sa petisyon para sa People’s Initiative.