Paskuhan sa Tiger City, binuksan na

Paskuhan sa Tiger City, binuksan na

Binuksan na ng LGU-Mandaluyong City ang kanilang Paskuhan sa Tiger City bilang paggunita sa nalalapit na Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.

Opisyal nang pinailawan ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ang Christmas Tree ng nasabing lungsod.

Ang aktibidad ay pinangunahan nina Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos.

Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa nasabing LGU at mga panauhin mula sa national government at ilang personalidad.

Kasabay ng pagpapailaw ng Christmas Tree ay ang pagbubukas ng Paskuhan sa Tiger City ngayong taon na kung saan sari-saring pagkain at mga gamit na pangregalo ang ibenebenta sa paligid ng city hall na magbibigay ng sigla sa ekonomiya ng naturang lungsod.

Ayon kay Vice Mayor Abalos tatlong taon na hindi nila naidaos ang nakaugaliang Paskuhan sa Tiger City dahil sa pandemya kaya naman napagdesisyonan nila na ngayong taong 2023 na maibalik ang saya at sigla ng Pasko.

“Three years wala tayong ganito, malungkot dahil noong 2020 halos tayo nakakulong naka facemask 2021 facemask pa rin, last year kahit na alam natin na pwede na hindi pa rin tayo pwede maglagay kasi takot pa rin tayo kay COVID kaya sabi ko it’s about time, nag-usap kami ni mayor it’s about time na ibalik natin ang saya sa Mandaluyong, ibalik natin itong Christmas Decor Christmas Light,” pahayag ni Vice Mayor Menchie Abalos, Mandaluyong City.

Dagdag pa ng bise mayor na kaugnay sa tema nila ngayong taon na “Love is Power” ay may mensahe ito para sa mga taga-Mandaluyong.

“And with this team “Love is Power” nakita natin ‘yung mga bata na naiipit sa giyera, aside from that at this time sa mga oras na to isipin din natin ‘yung mga batang nagsa-suffer dahil sa cancer na kahit na anong sakit ‘yung mga batang alam na naliligaw ng landas, isipin din natin ‘yun na kahit ‘yung nasa child house,” dagdag ni Abalos.

“Umpisa na ng Pasko sa Mandaluyong. Hanggang January 5 merong magpe-perform dito,” wika ni Mayor Ben Abalos, Mandaluyong City .

Dagdag naman ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos na tuluy-tuloy ang aktibidad sa Paskuhan sa Tiger City hanggang sa susunod na taon.

Tuwang-tuwa naman ang mga residente ng nasabing siyudad dahil sa naging hakbang ng LGU Mandaluyong.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble