Passi City, Iloilo, isinailalim sa ECQ simula ngayong araw

ISINAILALIM ang Passi City sa lalawigan ng Iloilo sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula ngayong araw Enero 8 hanggang Pebrero 11, 2021.

Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 ang mahigit sa isandaang vendor ng pampublikong pamilihan ng nasabing lungsod.

Una nang isinailalim sa mass testing noong Enero 26 ang 600 vendors ng nasabing public market at inilabas ang resulta nito kahapon, Enero 27.

Ayon kay Passi City Mayor Atty. Stephen A. Palmares, unang lumabas sa resulta ang pagpositibo sa COVID-19 ng 84 na vendors at nadagdagan pa ang bilang nito na umabot sa mahigit isangdaan.

Dahil sa lockdown ng lugar, sarado ang lahat ng establisimyento maliban na lamang sa mga tindahan para sa neccessities kagaya ng pagkain at tubig.

Pinayagan ding magbukas ang mga ospital, clinic, drug stores, diagnostic centers, laboratories, dental clinics, at pharmacies.

Isang tao lang ang maaaring lumabas sa bawat bahay na bibigyan ng travel pass.

Nanawagan ang alkalde sa mga motorista na iwasan muna ang pagdaan sa lungsod at sa mga bus na huwag munang magbaba at magsakay ng mga pasahero sa mga terminal dito.

Pinatutupad din ang curfew hour mula alas siyete ng gabi hanggang alas singko ng umaga sa susunod na araw.

Hiniling naman ni Palmares ang kooperasyon at pag-unawa ng kanyang mga nasasakupan sa ipinatupad na ECQ upang maiwasan na madagdagan pa ang bilang ng kaso ng COVID-19.

SMNI NEWS