IISANG grupo lang ang sangkot sa mga anomalyang hinaharap ng Bureau of Immigration (BI) gaya ng pastillas scheme at human trafficking.
Ito ang tugon ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval sa panayam ng SMNI News kaugnay sa naging pahayag ni Senator Risa Hontiveros na hindi siya titigil sa pagtugis sa ahensiya hanggang mabuwag ang sindikato sa loob ng BI.
Tiniyak naman ni Spokesperson Sandoval na natibag na ang grupong ito dahil sinuspinde na ang mga Immigration personnel na sangkot sa nasabing kalakaran.
Maliban pa sa 86 na Immigration personnel na sinuspinde, may karagdagan pang 28 ang pinaiimbestigahan dahil sa pagkakasangkot nito sa human trafficking.
Ibinahagi naman ni Spokesperson Sandoval na umaasa ang kanilang ahensiya na maipasa na ang bagong Immigration law kung saan mas agarang maaksyunan ang isang anomalya dahil hindi na ito idadaan pa sa mabusising imbestigasyon hangga’t may sapat na ebidensya.
(BASAHIN: 40 Immigration officials na umano’y sangkot sa pastillas scheme, sinuspinde na)
Ilang B.I. officers, sangkot sa pastillas scheme
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation o NBI na apat na mga Immigration officers ang kasalukuyang sinuspinde ng Ombudsman.
Kaugnay ito sa pag-iimbestiga ng NBI sa issue patungkol sa Pastillas scam.
Ayon kay B.I. Commissioner Jaime Morente, nakakapanglumo ang katotohanang natuklasan mula sa imbestigasyon na may iilang mga personnel ng Bureau of Immigration na sangkot sa ganitong scam.
Nagdudulot aniya ito ng masamang pangalan sa ahensiya.
Samantala, ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros, may apat ding B.I. officers na sangkot sa pastillas scam dahil sa pagselyo ng exit documents ng apat na trafficked OFWs.
(BASAHIN: 2 OFW na biktima ng human trafficking, makauuwi na sa Pilipinas)