KAMAKAILAN ay muling binanatan ng Bayan USA ang Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa pagpapakalat umano ng fake news at nanawagan itong ipasara ang network.
Kasabay nito ay naglabas din ng resolusyon ang Polytechnic University of the Philippines, College of Communication Student Council laban sa SMNI.
Nakasaad sa kanilang Resolution No. 008 series of 2022-2023 na isang red-tagging at disinformation machinery umano ang nasabing network.
Dahil dito, matapang na hinamon ng isang marangal na debate ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang mga nagsasabing fake news at humihiling na maipasara ang network.
“Aba nasasaktan ata kayo. Fake news ang SMNI? Iniinvite ko kayo sa isang debate. Ang pag-aralan, ang ating agenda, patunayan ninyo na ang ginagawa namin dito ay fake news,” pahayag ni Pastor Apollo.
“Madaling mag-akusa pero patotohanan ninyo at kung kami’y may ginagawang labag sa batas, magdemanda kayo. Idemanda ninyo ang SMNI, haharapin namin kayo kahit sa bibig ng impyerno, pero yung propaganda ninyo lumang tugtugin na yan sa bansang Pilipinas. Naliwanagan na sila dahil sa SMNI,” saad pa ni Pastor Apollo.
Ani Pastor Apollo, handa siyang harapin ang anumang akusasyon na ibinabato sa kanya.
Hamon lang nito sa Bayan USA at PUP Communication Society na patotohanan nila ang kanilang akusasyon na fake news ang mga isinisiwalat ng SMNI hinggil sa CPP-NPA-NDF.
“Kayo sa PUP, nasasaktan dahil wala ng narerecruit ang inyong NPA sa mga kabataang naliliwanagan na kaya nasasaktan kayo at target ninyo ang SMNI,” ayon pa kay Pastor Apollo.
“Meron kayong kasong legal sa amin, magdemanda kayo. Kung sinasabi nyong fake news kami magharap tayo sa anumang larangan. Patotohanan ninyo kami, saan kami fake news, ngayon sa bansang Pilipinas,” dagdag pa ni Pastor Apollo.
Muli namang kinuwestyon ng butihing Pastor ang Bayan USA at ang PUP kung may koneksyon ba ang mga ito sa komunistang teroristang grupo.
“Konektado ba kayo o hindi Bayan? Kayo sa PUP may recruitment ba o hindi? Simpleng tanong lang yan,” aniya pa.
Ani Pastor Apollo, hinding-hindi matitinag ang SMNI sa pagsisiwalat ng katotohanan hanggat hindi natatapos ang panlilinlang ng mga salot na CPP-NPA-NDF.
“Hindi nyo kami matatakot at hindi nyo kmi mapapahinto dahil back up namin ang Panginoon sa langit,” pagtatapos ni Pastor Apollo.