SA live program ng Spotlight, ipinanawagan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang agarang aksyon laban sa natitirang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na naiulat na may kaugnayan sa iligal na droga.
Ipinanawagan ni Pastor Apollo C. Quiboloy na aksyunan na ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ang natitira pang mga opisyal ng kapulisan na may kaugnayan sa iligal na droga.
Matatandaang naglabas ng pahayag si Azurin na mayroon pang mga high ranking official na may kaugnayan sa iligal na droga ang kasalukuyang nasa serbisyo.
Sa programang Spotlight nitong Huwebes, Enero 19, binigyang-diin ni Pastor Apollo na dapat na rin itong matuldukan upang mabigyang-hustisya naman ang mga walang kaugnayan dito.
“Well, kung alam ni PNP Chief Azurin kung sino itong mga less than 10 police officials that are involved in illegal drugs eh ano na aksyunan na ninyo para naman mabigyang justification iyong mga hindi involved kasi ngayon under the microscope ang PNP at salamat naman sa pagbubulgar at hindi ninyo itinatago,” saad ni Pastor Apollo.
Inihayag ni Azurin na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon dahil ang ilan sa mga ito ay nagsilbi na sa hanay ng pulisya sa loob ng mahigit 25 taon.
Ani Pastor Apollo, problema rin ito noon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte lalo na at talamak noon ang mga tinatawag na police scalawags.
“Ito nga iyong problema ng Pangulong Duterte noong panahon niya, nitong mga scalawags na mga police lalo na matataas ang ranggo ay sila ang involve pa sa illegal drugs,” ayon pa sa butihing Pastor.
Sinang-ayunan naman ng butihing Pastor ang ginagawang paglilinis sa hanay ng mga kapulisan at sinabing maghihintay ito ng magiging resulta ng kanilang imbestigasyon.
“Ngayon, minana niyo ito at naririyan pa sila. Tama po iyong ginagawa ninyo na imbestigahan sila at himay-himayin kung sino talaga ang involved dito pagkatapos make the necessary action to solve that problem para malinis ang hanay ng ating kapulisan. So, kayo na po ang bahala at maghihintay na lang kami sa magiging resulta ng inyong imbestigasyon,” aniya.