MABIBIGAT na pahayag ang binitawan ni Pastor Apollo C. Quiboloy laban sa mga naninira sa kaniya dahil sa isyu ng umano’y red-tagging.
“Hindi ako natatakot sa kanila. Sapagkat ang Diyos ay nasa sa akin. Nasa katotohanan ako, at ang krusada kong ginagawa para sa kaligtasan ng kaluluwa at para sa pagtatayo ng bansang ito, nakataya buhay ko diyan. Akala ninyo atrasan ko kayo, hindi ako aatras ninoman sa inyo basta’t nasa katotohanan ako,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Kingdom of Jesus Christ.
Ito ang naging pahayag ni Pastor Apollo laban sa mga taong walang humpay na sumisira sa kaniya dahil sa kaniyang mga adbokasiya, lalo na sa laban sa mga komunistang teroristang grupo.
Sa programang Laban Kasama ang Bayan nitong Mayo 8, muling naging mainit ang talakayan kaugnay sa isyu ng red-tagging kung saan dawit ang pangalan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Naging sentro kasi ng talakayan ang pahayag na inilabas ng NUJP na tila nagpapasaring sa mga anchor at may akda ng nasabing programa – kung saan gumamit ito ng mga negatibong paglalarawan sa mga pinatutungkulan.
Ngunit ang puso ng pahayag ng NUJP ay ang panawagang tigilan na umano ang red-tagging.
Tugon naman ni Pastor Apollo, ang sinomang hindi kumukundena sa naturang teroristang grupo ay maituturing na traydor sa bayan.
Sinomang hindi kumukundena sa CPP-NPA-NDF, traydor sa bansa – Pastor ACQ
“At itong nangre-red tagging daw kami, para maibsan ang mga damdamin ninyo, na hindi namin kayo maiugnay kaninoman, i-condemn ninyo ang CPP-NPA-NDF at ang mga krimeng kanilang ginawa sa Pilipinas. Yung Rano Massacre, i-condemn ninyo. Anyone who cannot condemn the atrocities of the NPA, and the CPP-NPA-NDF and their white area recruiters. You are all traitors of this country. And you all will go down,” saad ni Pastor Apollo.
Samantala, naglabas din ng sentimyento ang butihing pastor kaugnay sa mga pagpapalaganap ng mga negatibong balita sa kaniya na hindi pa napatutunayan.
“Bakit hindi ninyo sinasabi itong ginagawa kong mabuti? Bakit hindi ninyo mabigkas ang mabuting gawa ni Pastor Quiboloy? Dahil mga satanas kayo, dahil masasama kayo, dahil may mga sungay kayo, hindi ba? Hindi ninyo kayang gawin ang mabuti. Puro masama ang ginagawa ninyo. Tapos yung kasamaan ninyo pinapatong ninyo sa akin. Bakit ninyo tinatago ang mga ginagawa ko? Bakit ninyo tinatago ang mga kabutihang ginagawa ko?” dagdag pa ng butihing pastor.
Ngunit ayon kay Pastor Apollo, sa gitna ng pambabato sa kaniya ng mga akusasyon ay naniniwala siyang hindi na basta maniniwala ang mga tao.
“Ang mga tao ngayon matalino. Pagka akusasyon, akusasyon lang, hindi tulad noon pag akusasyon tapos parang gospel truth na, ang mga tao ngayon matalino, inakusahan mo ako ng ganoon, anong patotoo mo?” aniya pa.
Pastor ACQ at SMNI, mananatiling boses ng mga Pilipino
Samantala, pangako naman si Pastor Apollo na hindi siya titigil at ang SMNI para sa interes ng bansa.
“Hindi namin kayo tatantanan. Habang ang boses ni Pastor Quiboloy at ng mga kasamahan ko, sina Eric, sina Lorraine at ng Sonshine Media, tatayo para sa Pilipino. Tatayo para sa Pilipinas,” giit ni Pastor Apollo.