Pastor Apollo C. Quiboloy mas lalo pang minamahal ng taumbayan—spokesperson

Pastor Apollo C. Quiboloy mas lalo pang minamahal ng taumbayan—spokesperson

MAINIT at masigla ang pagtanggap ng mga Leyteño sa DuterTEN senatorial lineup, lalo na kay Pastor Apollo C. Quiboloy, na kinilala at hinangaan sa buong rehiyon.

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na lumalakas ang suporta kay Pastor Quiboloy, na nagpapakita ng matibay na koneksiyon sa mamamayan. Habang nagsasagawa ng motorcade mula Bontoc hanggang Sogod, hindi maitago ng tao ang kanilang kasiyahan at suporta sa campaign float ni Pastor Quiboloy—dinumog ito ng mga taga-suporta kahit sa ilalim ng matinding init.

Ang simpleng motorcade ay naging simbolo ng hindi matitinag na koneksiyon at kapangyarihan ng kampanya ni Pastor Quiboloy, na nakabatay hindi lamang sa salita kundi sa mga naunang gawain at serbisyo.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, taga-pagsalita ni Pastor Quiboloy, malinaw na mas minamahal ngayon ng taumbayan ang Butihing Pastor, dahil unti-unti nang nauunawaan ng marami ang katotohanan sa likod ng mga paratang laban sa kaniya.

“Well, we are gaining traction kasi naipaliwanag na natin sa tao ang tunay na dahilan kung bakit nakakulong ngayon si Pastor Apollo C. Quiboloy at naiintindihan nila—wala talagang katotohanan ang paratang sa kaniya, at naiintindihan ng taumbayan na propaganda lang ito.”

“Kaya imbes na kamuhian si Pastor Apollo C. Quiboloy, lalo pa siyang minamahal ngayon,” wika ni Atty. Israelito Torreon, Spokesperson ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Giit pa ni Torreon, nawawalan na ng bisa ang paninira dahil nauunawaan na ng publiko na ang pangunahing dahilan ay ang matibay na ugnayan ni Pastor Quiboloy kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Katapatan ni Pastor Apollo C. Quiboloy kay FPRRD, kinilala ni Sen. Robin Padilla

Sa DuterTEN campaign grand rally, kinilala ni PDP Laban President Senador Robinhood Padilla ang katapatan ni Pastor Quiboloy kay dating Pangulong Duterte. Ayon sa kaniya, kailanma’y hindi nagtaksil ang Butihing Pastor sa matalik niyang kaibigan.

“Isipin ninyo, may sikat na network—ang SMNI—buti nga’t siya ang nagtatanggol sa isang retiradong lider, ngayon nakakulong. Pero kahit minsan, hindi siya nagtraydor o nagpalit sa pakikipagkaibigan kay Mayor Rodrigo Roa Duterte,” saad ni Sen. Robinhood Padilla, President, PDP Laban.

Dagdag pa ni Padilla, isa sa dapat hinahanap ng botante sa isang lider ay paniniwala at takot sa Diyos—katangiang taglay ni Pastor Apollo.

“Dapat ang pinuno, alam mong naniniwala sa Diyos.”

“Hindi pupwede sa isang namumuno ang walang Diyos; kahit sa isang republika, hindi puwede,” dagdag ni Sen. Padilla.

Sen. Padilla: Pastor Apollo C. Quiboloy, magagawa ang mga imposible oras na maupo sa Senado

Naniniwala si Padilla na kung ano ang nagawa ni Pastor Apollo sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), magagawa rin niya para sa buong Pilipinas pag maupo na siyang senador.

“Nakita ninyo ang ganda ng Davao—kung ano ang ginawa niya sa The Kingdom of Jesus Christ nang hindi gumamit ng pondo ng gobyerno, magagawa niyang posible kung bibigyan siya ng pagkakataon sa Senado,” ani Padilla.

Nagpasalamat din si Padilla kay Pastor Quiboloy sa tulong noong 2022 elections, na naging susi para mas malawak ang pagkilala sa kaniyang plataporma sa pamamagitan ng eksklusibong panayam sa SMNI.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter