NAGPAHAYAG ng suporta si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na matitiyak ang suporta at proteksyon ng mga media sa ilalim ng kanyang liderato.
Ito’y kasunod ng kaliwa’t kanang panawagan ng taumbayan na “defend press freedom” matapos masawi ang radio commentator na si Percy Lapid.
Kaugnay nito, ipinangako ni Pastor Apollo na nandiyan siya at ang SMNI upang maging katuwang ng pamahalaan hindi lamang sa nation-building kundi para protektahan din ang mga mamamahayag sa ating bansa.
“Katuwang namin ang Pangulo dito sa nation-building at sa pagpoprotekta sa mga namamahayag na kahit na ito ay negative against the government, but they have the protection to say what they want to say because press freedom iyon. Maliban lang kung talagang libelous kasi mayroon tayong mga batas about cyber libel. Talagang tatamaan ka doon,” pahayag ni Pastor Apollo.
“Kung ano yung mga gustong ipaabot ng Pangulo sa bayan. Mr. President just say the word, SMNI will be here to help you,” dagdag ng butihing Pastor.
Handa rin ang butihing Pastor na proteksyunan ang Pangulo mula sa sinomang gustong magpabagsak dito.
“Tayo nandito, susuportahan natin, poproteksyunan natin ang ating Pangulo, kung sinoman ang ating naging Pangulo. Ngayon si Pangulong BBM at ilalahad natin kung anong ginagawa patungkol sa gobyerno tulad ng paglalahad natin sa lahat ng accomplishments ng Duterte administration,” ayon pa ni Pastor Apollo.
Sa kabilang banda, binigyang-diin muli ni Pastor Apollo ang kahalagahan ng peace and order upang matiyak ang tunay na kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa.
“Tungkol naman dito sa pagpaslang na ito, hindi na ‘yun ang sinabi ko, mahalaga sa bansa para umunlad tayo economically and politically ay ang peace and order. Kaya dapat iyon ang pagtuunan ngayon kasi mahalaga talaga iyan. Tingnan mo, isang mamamahayag lang ang napaslang, napakalaki na ng isyu ng mga makakaliwang grupo tapos sisirain pa tayo sa ibang bansa niyan,” ani Pastor Apollo.
Sa huli, tiniyak ng butihing Pastor na hindi titigil ang SMNI hangga’t hindi napapabagsak ang mga kalaban ng estado na gustong sirain ang gobyerno.
“Ang programang ito’y magpapatuloy hanggang sa panahong tayo ay magkakaroon ng tunay na enlightenment, hindi lang enlightenment kundi talagang sasawatain natin, talagang mawawala ang kanilang lason sa bansang Pilipinas para tayo ay umusbong,” ayon sa butihing Pastor.