Pastor Apollo C. Quiboloy sa pag-aresto kay Walden Bello: Bagsak sa GMRC

Pastor Apollo C. Quiboloy sa pag-aresto kay Walden Bello: Bagsak sa GMRC

HINDI na ikinabigla pa ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagkakaaresto sa dating vice presidentiable Walden Bello matapos itong dakpin ng mga pulis dahil sa kasong cyber libel.

Nahaharap si Bello sa kasong cyber libel dahil sa mga akusasyon nito sa Davao City para kay noo’y Davao City Mayor at ngayo’y Vice President Sara Duterte.

Ani Pastor Apollo, tila kulang sa pangaral ng magulang si Bello at matabil ang dila lalo na sa publiko.

Isa na aniya sa patunay dito ang kawalan ng respeto sa noo’y inorganisang presidential at senatorial debates ng SMNI na nagawa nitong laitin ang pagkaing inihanda ng partner hotel ng SMNI, ang Okada Manila.

Bukod dito, hindi rin ikinatuwa ni Pastor Apollo ang ginawa nitong caption sa social media account ni Bello patungkol sa proyekto ng The Kingdom of Jesus Christ, ang Kingdome, kasabay ng akusasyon nito laban sa butihing Pastor.

Noong Marso, nagsampa ng kasong cyber libel ang dating Davao City Information Officer na si Jefrey Tupas laban kay Bello dahil sa pagbansag sa kalaban niyang si VP Sara Duterte na “drug dealer” sa isang online press briefing.

Tinawag din niyang “Drug Smuggling Center of the South” ang Davao City at saka kinuwestiyon ang pamamahala ng bise presidente noong siya’y alkalde pa ng lungsod.

Matatandaan ding naging sentro ng pamumuna ni Bello si VP Sara dahil sa hindi nito paglahok sa mga vice presidential debates noong panahon ng kampanya.

Si Bello ay nauna nang natukoy na naging kaanib ng komunistang CPP-NPA-NDF noon pang 1974-1980 at kilalang aktibista hanggang sa maging kinatawan ito ng Akbayan Party-list na kilala rin bilang front ng CPP-NPA-NDF.

Ayon sa QCPD, maaari pang makapag-bail si Bello mula sa kaso nito na nagkakahalaga ng P48,000 hangga’t maihabla nito ang kanyang apela sa korte kung saan siya inakusahan ng cyber libel.

Follow SMNI News on Twitter