Pastor Apollo C. Quiboloy, sinagot ang mga umaatake sa SMNI

Pastor Apollo C. Quiboloy, sinagot ang mga umaatake sa SMNI

SINAGOT ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ hinggil sa isyu sa umano’y red-tagging ng SMNI.

Ito ay kasunod ng inilabas na pahayag ng Baguio Chronicles kung saan tinitira ang SMNI “Laban Kasama Ang Bayan” host Jeffrey Ka Eric Celiz at Dr. Lorraine Badoy dahil sa pangre-redtag umano kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at mga journalist ng Baguio City.

Sa programang “Laban Kasama ang Bayan” nitong Miyerkules, Hunyo 7, inihayag ni Pastor Apollo na ginagamit lang ng makakaliwang grupo ang isyu ni Mayor Magalong at binabaliktad ang tunay na nangyari.

Nilinaw ng butihing Pastor na humingi ito ng public apology kay Mayor Magalong dahil kinondena at pinatunayan nitong hindi siya kakampi ng CPP-NPA-NDF.

“Kasama namin si Mayor Magalong, hindi namin siya ni-redtag, kundi siya ay lumantad at sinabing hindi ako kasama nila,” tugon ni Pastor Apollo.

Mga miyembro ng CPP-NPA-NDF, hinamon ni Pastor ACQ na lumantad na

Hinamon naman ni Pastor Apollo ang mga kaalyado ng CPP-NPA-NDf na lumantad at kondenahin ang teroristang grupo tulad ng ginawa ni Mayor Magalong.

“Kung nagsisinungaling kami, bakit hindi n’yo klaruhin at sabihin ninyo tulad ni Mayor Magalong na hindi totoo ‘yan, hindi namin mga kasamahan ‘yan. Kinokontra namin ang CPP-NPA-NDF at ang kanilang pamamatay, pambobomba, pananalasa, paninira ng ating bansa? Bakit hindi n’yo magawa ang ginawa ni Mayor Magalong?”

“Lumantad kayo at magpakatotoo tulad ni Mayor Magalong” dagdag pa ni Pastor Apollo.

Nangako naman si Pastor Apollo na hindi ito hihinto sa paglalahad ng katotohanan hanggang hindi maubos ang CPP-CPA-NDF sa bansa.

Mananatili rin aniya itong for nation-building para mahinto na ang mga terorista.

“Ito ang ipapangako ko sa inyo, habang naririto ako, naririto ang mga kasamahan ko sa Laban Kasama ang Bayan, naririto ang SMNI, hindi namin kayo tatantanan sa mga kasinungalingan ninyo sapagkat ang SMNI “Truth That Matters. Ano ang katotohanan, siya ang ating ipalilitaw,” ani Pastor Apollo.

Samantala, ang mga umaatake sa SMNI at nagkokomentaryo tulad ni Franc Cimatu ng Rappler at Baguio Chronicles ay convicted cybercriminal sa Regional Trial Court ng Quezon City.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter