MATAGAL nang nakikita ni Pastor Apollo C. Quiboloy na magiging problema ng pamahalaan ang lumalaganap na online sexual exploitation (OSEC) sa bansa.
Kaya naman nang ideklara ng Marcos administration ang laban nito dahil sa tumataas na kaso ng OSEC ani Pastor Apollo na dapat na nga itong tutukan.
“Yan ang isa sa mga dapat tutukan ano? Kaya sinabi ko noon pa, diba meron akong lesson na isang panahon na itong mga computer na ito, mga cellphone na to, pakabantayan natin, paka i-monitor natin. Kasi nandiriyan ang addiction nanggagaling eh, lalo na nagka- lockdown walang mga activities kundi nakatutok lahat sa kanilang cellphone. Kaya ‘yun ang matagal ko nang nakikitang magiging problema rin ng ating pamahalaan, dahil ang ibang mga magulang naman ipinagbibili ang kanilang mga anak sa online, nandiyan ang sexual exploitation ng mga bata ginagawang business,” pahayag ni Pastor Apollo.
Kaugnay rito, binigyang-diin din ng butihing Pastor ang gampanin ng mga magulang upang mapangalagaan ang mga bata mula sa nasabing krimen.
“Kaya ang aking sinasabi sa mga magulang, ang mga anak ninyo pakabantayan ninyo, lalo na sa paggamit ng cellphone, pakabantayan ninyo kasi ang pornography ang number 1 na sumisira sa utak ng kabataan. Ganun din ang pagkakakitaan nitong mga kriminal sa exploitation na ito. So sexual exploitation of children online o OSEC. Lalo na nung panahon ng pandemya. So ‘yan ang isa sa mga pakatutukan at gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan upang mapanagot, malaking trabaho ‘yan kasi lahat naman may cellphone eh, lahat may computer, lahat pwedeng gumawa ng sarili nilang vlog na ito’y gagawin nila, oh eh di malaking trabaho ‘yan,” ani Pastor Apollo.
Palinawag rin ni Pastor Apollo na maaring pag-ugatan pa ng iba pang krimen tulad ng kidnapping ang OSEC.
“Itong OSEC na to, online sexual exploitation of children, pag-uugatan pa ‘yan ng marami pang krimen. Pwedeng ang mga anak ninyo na nandiriyan, pwedeng kontakin ‘yan ng mga kriminal, tapos linlangin siya palabasin, kikidnapin kunin ang kanyang atay, kunin ang kanyang kidney. papatayin , gagahasain muna, etc. Kidnapping nandyan na rin lahat ‘yan. Hindi lang katagalan sa online ‘yan, kundi talagang maging physical at material na ‘yan,” ayon sa butihing Pastor.
Sa huli ay binigyang-diin ni Pastor Apollo na mahalaga pa rin na mapanatili ang peace and order upang hindi lumaganap ang mga ganitong klaseng krimen sa bansa.
“May kinalaman pa rin ‘yan sa peace and order. So, kaya mahalaga talaga ang peace and order,” dagdag ng butihing Pastor.