MULING hinamon ni Pastor Apollo C Quiboloy ang Kabataan, Gabriela, at ACT Teachers Party-list o mas kilala sa tawag na KAGAT Party-lists na kondenahin ang CPP-NPA- NDF kasama ang founder nito na si Joma Sison.
“Tanungin ko itong tatlong ito, kung hindi kayo kasama ni Joma Sison, i-denounce nga ninyo si Joma Sison pati ‘yung ginagawa ng NPA. I-denounce ninyo ang ginagawa na karahasan, panloloko, pamamatay, pananalasa ng NPA. I-denounce ninyo ang ginagawa ni Sison na gustong ibagsak ang gobyerno ng Pilipinas na kinabibilangan ninyo… Sige i-denounce ninyo iyan,” paghamon ni Pastor Apollo.
Ayon pa kay Pastor Apollo, kung hindi nila ito magawa, lumalabas lang na sila’y tunay na kasabwat ng kalaban ng CPP-NPA-NDF.
“Pag nagawa ninyo yan talagang kayo ay makagobyerno. Talagang kayo ay kongresista para sa Pilipinas. Pag hindi nyo nagawa ‘yan, maliwanag kahit hindi pa ninyo gawin kasamang kasama kayo. Kaya hindi niyo magawa eh,” ayon sa butihing Pastor.
Dagdag pa ni Pastor Apollo, dapat nang kabahan ang tatlong kongresista sa paghagupit ng Anti-Terrorism Law dahil aniya’y matagal na nilang niloloko ang taumbayan.
Sa kabilang banda ay pinuri ng butihing Pastor ang katapangan ni Justice Secretary Boying Remulla at Vice President Sara Duterte sa paglaban nito sa kriminalidad at terorismo sa bansa.
“Kailangan natin sa kriminal at terorista, kamay na bakal para magkaroon ng proteksyon ang pamayanan. Salamat sa mga tulad ni VP Sara parehas kay Justice Sec. Boying Remulla. Ganyan,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Sa huli ay muling iginiit ng butihing Pastor na hindi hihinto ang SMNI hangga’t hindi tuluyang masugpo ang insurhensiya at teroristang grupo sa bansa.
“Kami rito sa media, sa SMNI, Laban Kasama ang Bayan, at dito hindi rin kami hihinto. Ipagtatanggol natin ang ating kalayaan, ipagtatanggol natin ang mga walang lakas, inaapi, ng mga criminal, at teroristang ito. Lalo na itong panloloko ng mga KAGAT na ito,” diin ni Pastor Apollo.