Pastor Apollo Quiboloy at Vic Rodriguez nagsanib-puwersa para wakasan ang korapsiyon sa pamahalaan

Pastor Apollo Quiboloy at Vic Rodriguez nagsanib-puwersa para wakasan ang korapsiyon sa pamahalaan

MATAGAL nang kalakaran sa bansa ang korapsiyon. Kung hindi man lantaran, sa iba’t ibang paraan ito isinasagawa ng mga abusadong politiko—gaya ng pamumudmod ng kung ano-ano, tulad ng ayuda na iilan lang ang tunay na nakikinabang.

Ang masama pa, hanggang ilang araw lang tumatagal ang ayuda ng pamahalaan, imbes na trabaho at kabuhayan ang unahin para sa mga Pilipino.

Isang senaryo na paulit-ulit na nagpapalugmok sa kabuhayan ng marami.

Ito ang masakit na katotohanang inilahad ng PDP “DuterTEN” Senatorial Slate sa kanilang pagbisita sa Karuhatan, Valenzuela—kung paanong ang korapsiyon ang humahadlang sa pag-unlad ng bansa.

Sa kaniyang mensahe sa publiko, hindi na nagpaligoy-ligoy si Pastor Apollo C. Quiboloy. Bitbit niya ang konkretong solusyon laban sa matagal nang problema: ang pagtatatag ng isang Truth Commission na magsisiwalat ng katotohanan, at ang muling pagsasabatas ng Death Penalty para sa mga mapapatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan.

Ito aniya ang makatarungan at matapang na hakbang para tuldukan ang kultura ng pagnanakaw sa gobyerno—isang mensahe ng pag-asa para sa mga Pilipinong ilang henerasyon nang umaasa sa pagbabago.

Magiging katuwang ni Pastor Apollo ang isa pang kandidato ng PDP na buo ang loob sa pagtataguyod ng laban kontra korapsiyon—isang laban na hindi lang para sa prinsipyo, kundi para sa kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipino.

Isa rin itong matapang na boses na paulit-ulit na tumutuligsa sa mga abusadong politiko—yaong mga inuuna ang pansariling kapakanan habang pinapabayaan ang mga mamamayang araw-araw na nagdurusa sa mahal na bilihin, kakulangan sa trabaho, at serbisyong matagal nang ipinangako pero hindi natutupad.

Sang-ayon dito ang kinatawan ni senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez, na matagal nang naninindigan laban sa malawakang korapsiyon na unti-unting kumikitil sa kinabukasan ng bayan.

Ayon sa kaniya, hindi na lamang ito usapin ng kahihiyan sa loob ng bansa, kundi isang dungis na rin sa imahe ng Pilipinas sa mata ng buong mundo—isang bansang mayaman sa likas na yaman at talino, pero patuloy na lugmok dahil sa mga tiwaling pinuno.

Kaya habang may pagkakataon pa, hinikayat niya ang publiko na gamitin ang lakas ng kanilang boto—at piliin ang mga kandidatong tunay na may malasakit at paninindigan. Isa na rito ang DuterTEN Slate, na suportado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at isinusulong ang isang pamahalaang malinis, matapang, at para sa tao.

Muling iginiit ni Pastor Apollo na wala siyang ibang hangad kundi ang kabutihan para sa bayan, at tiniyak na hindi niya sasayangin ang pondong nakalaan para sa mamamayan.
Una na itong nakita sa paraan ng pamumuno ng butihing Pastor sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na, sa kabila ng kakulangan ng pondo at suporta ng gobyerno, ay nananatiling matatag, matibay, disiplinado, at maunlad ang KOJC.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble