BINUWELTAHAN ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ ang Rappler matapos inihayag ng nasabing media company na nagpapakalat ng “misinformation” si Pastor Apollo sa pamamagitan ng Sonshine Media Network International (SMNI).
‘’Basta sa akin nasa totoo ako that is what matters. Basta hindi injustice ang ginagawa ko. Basta hindi oppression ang ginagawa ko. Basta maganda ang ginagawa ko you can form your own opinion about me it does not matter. I will remain the same.’’
Ito ang sinabi ni Pastor Apollo, matapos hiningan siya ng pahayag kaugnay sa kanyang pag trending sa social media.
Si Pastor Apollo ay nag-trending matapos mabilis na napick-up at ipinakalat ng iba’t ibang media ang kwestyunableng wanted poster mula ng NBI.
Bagama’t hinayaan lamang sila ni Pastor Apollo ay hindi pinalampas ng butihing Pastor na magkomento sa pahayag ng Rappler na nagpapakalat ng disinformation ang SMNI.
Sa programang Powerline, araw ng Miyerkules, kinuwestiyon ni Pastor Apollo ang ginagawa ng Rappler na tila pumipigil sa SMNI sa pagbabalita ng katotohanan.
‘’Pinasisikat akong lalo ng Rappler. Anumang gawin ninyo na pagsira sa akin, at ng iba pang media outfits, go ahead, karapatan ninyo ‘yan. Kaya freedom of expression,’’ saad ni Pastor Apollo.
‘’Huwag din ninyong pigilan ang aming freedom of expression sa pagsasalita ng totoo. Eh bakit nagagalit kayo sa amin? Hindi naman kami galit sa inyo. Ang sinasabi lang namin dito sa SMNI, totoo,’’ dagdag nito.
Sinabi din ni Pastor Apollo na hindi siya natitinag sa ginagawa ng Rappler o ng iba pang media company na aniya ay nagpapakalat ng fake news patungkol sa kanya.
‘’Hindi ako natitinag diyan sa mga ganyan. Aysus. Hindi ako natitinag diyan. Natutuwa pa nga ako sapagkat tinutulungan ninyo ang aking pangalan ay maisiwalat at ang tao ay magkaroon ng desisyon kung tama ba ang ginagawa ninyo o hindi,’’ paliwanag ni Pastor Apollo.
‘’Ang taumbayan ngayon… gusto ninyo itong mga information na ‘to, makalat ninyong lalo. Misinformation, disinformation, false information, gawin ninyo. Pagka ang taong sinisiraan ninyo matuwid, tatawanan lang kayo. Hindi tatalab ‘yan. Bakit? May Amang Makapangyarihan eh, siyang humahatol sa atin,’’ ayon kay Pastor Apollo.
Sa kabila nito ay hinamon naman ni Pastor Apollo ang Rappler na banggitin kung saan o anong programa nagpakalat ng disinformation ang SMNI upang ito ay agarang maituwid.