SA ikalawang pagdinig ng Pasig City Regional Trial Court Branch 159 hinggil sa petition for bail na inihain ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy ay sumalang na sa cross examination o interogasyon ng depensa si alyas Amanda.
Ang cross examination ay paraan ng depensa para hamunin ang kredibilidad ng testigo laban sa mga inaakusahan nito.
Unang nagtanong sa witness ay ang lead counsel ni Pastor Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon kung saan nakapagtanong ito ng halos tatlong oras sa bail hearing.
Korte, pumayag na manatili muna sa isang ospital ang Butihing Pastor
Samantala, pinayagan naman ng korte ang Butihing Pastor na manatili muna sa isang ospital matapos mapatunayan na may iniinda itong karamdaman.
Ayon kay Torreon, maaring nagkasakit ang Butihing Pastor dahil sa kaniyang bagong environment o kinalalagyan ngayon.
Dahil nasa ospital si Pastor Quiboloy, hindi siya pisikal na nakadalo sa hearing kundi sa pamamagitan lang ng video conferencing.
Nakatutok diumano ito sa buong durasyon ng pagdinig.
Sinabi naman ni Torreon na hindi nasabi sa pagdinig kung hanggang kelan papayagan ng korte ang hospital stay ng Butihing Pastor.
Maaring nakadepende ito sa rekomendasyon ng doktor.
Samantala, gaya ng nasabi ng abogado, magpapatuoy ang cross examination sa witness sa Pebrero 6.
Inaasahan na maliban sa lead counsel ay magtatanong din kay alyas Amanda ang iba pang abogado ng depensa.