INIHALINTULAD ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang kriminalidad sa isang halimaw na may limang ulo na sumisimbolo kung bakit nananatili ang paglaganap ng krimen sa bansa.
Kabilang na rito ang korapsiyon, ang teroristang grupong CPP-NPA-NDF, droga, kahirapan, at katamaran kung saan tinawag itong ‘5 headed hydra monster.’
Ani Pastor Quiboloy, kung hindi ito masusugpo, tuloy-tuloy pa rin ang kriminalidad sa bansa.
Truth Commission vs korapsyion, isusulong ni Pastor Quiboloy sa Senado
Kaugnay rito, sakaling mahalal sa Senado, pagtutuunang mabuti ng lider ng KOJC ang pagputol sa mga “ulo” ng kriminalidad, at unang haharapin ang katiwalian sa gobyerno. Isusulong ni Pastor Quiboloy ang pagtatatag ng Truth Commission o Anti-Corruption Commission bilang tugon sa lumalalang problema ng korapsiyon.
Ayon sa kaniyang tagapagsalita, sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang sinumang mapatunayang sangkot sa katiwalian ay haharap sa mabigat na parusa—mula sa permanenteng diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa gobyerno hanggang sa pinakamataas na parusa, ang death penalty.
“Kinukunsidera ni Pastor ang korapsiyon bilang mortal sin. Dalawa ang mortal sin, korapsiyon pangalawa drugs. ‘Pag mortal sin dapat ang penalty sabi ni Pastor is death penalty kasi pera ng taumbayan ‘yan. Isinusulong din ni Pastor Apollo ang pagbasura sa Senate Resolution No. 10. Sa halip na ‘Liquidation by Certification’ ay gagawing ‘Liquidation by receipts’ ang lahat ng ginagastos ng bawat ahensiya ng gobyerno,” pahayag ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson, Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Hangad ni Pastor Quiboloy ang zero corruption sa gobyerno, tulad ng maayos at malinis na pamamahala niya sa Kingdom of Jesus Christ. Aniya, kung nagagawa itong ipatupad sa kanilang samahan, posible rin itong maisakatuparan sa pamahalaan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa katiwalian.
Ikalawang ulo naman ng kriminalidad na nais putulin ni Pastor Apollo ay ang insurhensiya mula sa teroristang grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), na itinuturing niyang pangunahing hadlang sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa.
Bilang tugon, plano ni Pastor Apollo na bumuo ng National Highway System na magdudugtong sa mga malalayong barangay, upang matiyak na walang mapag-iiwanan sa pag-unlad. Naniniwala siyang ang ganitong hakbang ay makatutulong upang mabawasan ang insurhensiya at makamit ang kapayapaan sa mga kanayunan.
Maliban rito, magbibigay ang proyekto ng oportunidad sa mga magbabalik-loob sa gobyerno na magkaroon ng hanapbuhay, tulad ng pagiging security guard o peacekeeper sa mga tourist spots sa buong bansa, bilang bahagi ng reintegrasyon at pagpapanumbalik ng tiwala sa pamahalaan.
“Kung talagang nararamdaman nila, nakikita nila na andun na ang peace, prosperity, stability, hanggang sa pinakadulo na parte ng bansa at nararamdaman nila ‘yun sa kanilang pamilya babalik sila uli sa gibyerno at magsisilbi para makatulong din sila sa kanilang pamilya,” paliwanag ni Laurente.
National Highway System, panukala ni Pastor Quiboloy upang wakasan ang insurhensya
Sunod na ulo naman ng kriminalidad na nais sugpuin ni Pastor Quiboloy ay ang ilegal na droga, na isa sa mga ugat ng karahasan at pagkawasak ng kinabukasan ng maraming Pilipino. Upang wakasan ito, isusulong niya ang pagbuo ng Truth Commission na tututok sa pagtugis sa mga opisyal na nagpoprotekta o tumutulong sa mga nasa likod ng ilegal na droga. Kasama rito ang random drug testing para sa lahat ng kawani ng gobyerno upang mapanatili ang integridad ng kanilang serbisyo.
Papalitan din ng Butihing Pastor ang tradisyunal na kampanya laban sa droga ng mas makataong Oplan Pag-ibig sa Kapwa, na hihimok sa mga pamilya na isuko ang mga mahal sa buhay na nalulong sa droga para sa rehabilitasyon. Kung hindi ito gagawin, papatawan sila ng community service at dadaluhin sa mga educational programs upang maunawaan ang pinsalang dulot ng droga.
Oplan Pag-ibig sa Kapwa, mabisang solusyon ni Pastor Quiboloy laban sa ilegal na droga
Isa rin sa mga ulo ng kriminalidad ay ang kahirapan, na madalas nagiging ugat ng krimen at kawalan ng pag-asa sa lipunan. Upang matugunan ito, magsusulong si Pastor Quiboloy ng mga batas na tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan tulad ng pagkain, kalusugan, edukasyon, at mga oportunidad sa trabaho para sa mga mahihirap.
Laban sa Kahirapan: Pastor Quiboloy, naghanda na ng mga konkretong solusyon
Samantala, ang huling ulo ng kriminalidad na dapat maputol ayon sa Butihing Pastor ay ang katamaran, isang salot na nag-uugat ng kahirapan at krimen sa bansa. Bilang tugon, isinusulong niya ang National Cleanliness Drive, na pangangasiwaan ng National Commission for National Cleanliness (NCNC).
Ang programang ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga walang trabaho upang maging bahagi ng pagpapanatili ng kalinisan sa buong bansa.
Naniniwala si Pastor Quiboloy na sa pagsugpo sa limang “ulo” ng kriminalidad—korapsiyon, CPP-NPA-NDF, droga, kahirapan, at katamaran—makakamtan ng mga Pilipino ang isang mapayapa, masagana, at matatag na bansa.