MAGPAPALABAS na ang Commission on Elections (COMELEC) ng ballot face ng mga opisyal na kandidato para sa pagka-senador.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, opisyal nang kasama si KOJC Leader Pastor Apollo C. Quiboloy sa balota bilang independent senatorial candidate sa 2025 midterm elections.
Ito ay matapos na i-withdraw ni Pastor Apollo ang kaniyang nomination of acceptance mula sa Workers and Peasants Party.
Marcy Teodoro, aapela matapos kanselahin ng COMELEC 1st Division ang kaniyang kandidatura sa pagka-kongresista
Samantala, kinansela naman ng COMELEC 1st Division ang kandidatura ni Marikina Mayor Marcy Teodoro bilang kongresista ng 1st District ng Marikina dahil sa material misrepresentation pagdating sa kaniyang residency.
Kinatigan nito ang petisyon ni Sen. Koko Pimentel na kalaban niya sa pagtakbo sa naturang distrito.
Bigo aniya si Teodoro na maabot ang 1-year residency requirement bago ang halalan sa May 2025.
COMELEC Chair Garcia, mag-iinhibit sa pagdinig sa COC cancellation ni Marcy Teodoro
Ayon naman kay Garcia, hindi pa ito final and executory kasi pwede pa umapela si Mayor Marcy.
Hindi pa aniya aalisin ang pangalan ni Marcy Teodoro sa listahan ng mga kandidato.
Sakaling umapela siya, aakyat sa COMELEC en banc ang usapin sa kanselasyon ng kaniyang Certificate of Candidacy.
Sinabi naman ni Mayor Marcy na maghahain siya ng Motion for Reconsideration.
“I will file a Motion for Reconsideration, and I have five days from today within which to do so, the Resolution is not yet final and for all intents and purposes I am still a legitimate candidate for Member of the House of Representatives of the First District of Marikina,” pahayag ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina.
Si Garcia naman ay mag-iinhibit o hindi makikilahok sa pagdinig para hindi makuwestiyon ang integridad ng komisyon.
Social Media Registration para sa mga kandidato at party groups, hindi na palalawigin pa—COMELEC
Samantala, hindi na palalawigin pa ng COMELEC ang deadline sa social media registration para sa mga kandidato at party-list groups.
Sa bagong patakaran ng komisyon, kailangang iparehistro ng mga kandidato at party organizations ang kanilang mga gagamiting social media page sa pangangampanya.
Sa Biyernes, Disyembre 13 ang huling araw ng pagpaparehistro.
Sa latest update ng komisyon, nasa 43 senatorial aspirants na ang nagparehistro, mahigit pitong libo na ang local aspirants at 174 naman ang mga party-list group.
COMELEC, BuCor, BJMP at PAO lumagda ng kasunduan para sa pagboto ng mga inmate sa 2025 elections
Samantala, lumagda ngayong araw ang COMELEC kasama ang Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections at Public Attorney’s Office para i-angat ang karapatan ng mga preso na makapagboto sa darating na halalaan.
Ayon kay COMELEC Commissioner Aimee Ferolino, nasa 68,448 na persons deprived of liberty ang rehistradong bumoto para sa eleksiyon sa susunod na taon.
993 ang boboto sa labas ng piitan at e-escortan ng mga jail personnel.
Nilinaw naman ni COMELEC Chair George Erwin Garcia maaaring bumoto ang mga PDL na wala pang pinal na desisyon ang kanilang mga kaso.