Patay na blue shark, napadpad sa dalampasigan ng Dipaculao, Aurora

Patay na blue shark, napadpad sa dalampasigan ng Dipaculao, Aurora

ISANG patay na lalaking blue shark (Prionace glauca) ang natagpuang napadpad sa baybayin ng Barangay Lipit, Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 28.

Dakong alas-10 ng umaga nang madiskubre ito ng isang lokal na residente, na agad nag-ulat sa barangay officials, MDRRMO, at Municipal Agriculture Office.

Ayon kay BFAR technician Aylwin Kelsey Abando, ang pating ay may habang 2.7 metro at tinatayang may bigat na 60 hanggang 70 kilo.

Kumpirmado ng BFAR Regional Office na ito ay isang lalaking blue shark, isang uri ng pating na karaniwang matatagpuan sa malalalim na bahagi ng karagatan.

Bilang pag-iingat, iniutos ng BFAR ang agarang paglilibing ng pating sa isang 3 metrong lalim na hukay malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Hinikayat ng mga awtoridad ang publiko na agad mag-ulat kung may makitang katulad na insidente.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter