GINAWARAN ng Posthumous Award na PNP Distinguished Conduct Medal o Medalya ng Kadakilaan ng Pambansang Pulisya si Patrolman Mark Monge.
Si Monge ay nasawi sa kalagitnaan ng kanyang pagseserbisyo matapos makaengkwentro sa isang maliit na grupo ng teroristang NPA habang naghahatid sila ng tulong sa mga residente sa iba’t ibang komunidad sa Gandara, Samar.
Bukod sa medalya, nangako rin ang PNP ng tulong pinansyal para sa mga naiwan nitong pamilya.
Tatanggap din ang mga kaanak nito ng P500K mula sa President’s Social Fund; mahigit sa P200,000 cash assistance mula sa Special Financial Assistance (SFA) at P100,000 Commutation of Accumulated Leave (CAL) mula pa rin sa PNP.
Makakakuha rin ang pamilya nito ng halos P500K gratuity mula sa National Police Commission; at P100,000 mula sa Pamanang Lingkod ng Bayan ng Civil Service Commission.
Nauna nang binigyan ng P300,000 ang naiwang pamilya ni Monge mula kay PNP OIC LtGen Vicente Danao, Jr. at Regional Director, PRO 8 PBGen Bernard Banac.
Makukuha rin ang halos isang milyong pisong claim insurance mula sa Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc.
Nauna nang ikinalungkot ng PNP ang sinapit ng kanilang kasamahan na hangad lamang na tumulong sa mga komunidad sa ilalim ng programang NTF-ELCAC ngunit binawian ng buhay dahil sa katusuhan ng mga komunistang teroristang kilusan na CPP-NPA-NDF.
“We feel the anxiety of every wife, child and parent of our policemen. Just like that, another policeman’s family can become fatherless, another can become a widow, and another parent can lose a child while our policemen perform their duty to ensure that our countrymen are safe in their homes. The only way to address the situation is to strike hard on these terrorists,” pahayag ni Danao.
Dagdag pa ng heneral, ang pagkamatay ni Monge ay dapat aniyang maging inspirasyon ng kapwa nito nasa serbisyo sa pagmamahal sa bayan.
“Patrolman Monge did not die in vain, the PNP derives inspiration from his heroic death,” ani Danao.
Kasabay nito ang pangakong hindi titigil ang pamahalaan para sugpuin ang mga komunistang ito na matagal na aniyang salot sa lipunan.
“Hindi natin hahayaang masayang ang magandang sinimulan ni Patrolman Monge. Hindi natin hahayaang magwagi ang mga teroristang ito, tuloy ang ating pagsugpo sa kanilang grupo,” ayon kay Danao.
Nito lamang Lunes nang hindi nakapagpigil si General Danao sa kanyang galit laban sa mga NPA, dulot ng kanyang pagkadismaya sa panlilinlang ng mga NPA sa maraming komunidad sa bansa para ipangalandakan ang armadong pakikibaka imbes na makipagtulungan sa gobyerno sa ngalan ng kapayapaan.