TAONG 2019 nang yumanig sa bansa ang isa sa pinakamalalang kaso ng hazing—ang pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitorio ng Philippine Military Academy (PMA).
Matapos ang imbestigasyon, pitong kadete ng PMA ang sinampahan ng kasong murder, paglabag sa Anti-Hazing Law, at neglect of duty dahil sa kanilang pananagutan sa krimen.
Ngunit kahit sa mahigpit na pagpapatupad ng batas, patuloy pa rin ang mga kaso ng hazing sa bansa.
Ayon sa grupong Crusade Against Violence, mahigit 14 na kaso ng hazing ang naitala mula noong 2019.
“Since the death of Dormitorio, there were still 14 recorded cases. Pero ang lumaban lang ngayon dito ay sa Adamson University from Zamboanga. So ngayon, may ongoing hearing sila sa Regional Trial Court ng Biñan, Laguna,” saad ni Imee Livioco, Executive Director ng Crusade Against Violence.
Hazing sa PMA: Bumaba pero hindi tuluyang nawala
Bagama’t bumaba ang insidente ng hazing sa PMA matapos ang Dormitorio case, may mga naiuulat pa ring kaso ng physical contact sa loob ng akademya.
“Mayroong nairereport na physical contact but we made sure na yung panukalang punishment is given. There is still physical contact, but not in that particular magnitude… (Dormitorio case), yes sir,” pahayag ni BGen. Ramon Flores, Cadet Commandant ng Philippine Military Academy.
Para tuluyang mapuksa ang hazing sa PMA, ipinatupad ang mahigpit na reporma, kabilang ang paghihiwalay ng mga kadete sa kanilang barracks.
“Dati, ang apat na classes—1st year, 2nd year, 3rd year, at 4th year—ay magkakasama sa isang barracks. Pero matapos ang Dormitorio case, inilipat sa hiwalay na barracks ang first-year cadets upang maiwasan ang anumang uri ng pananakit mula sa upperclassmen,” ayon kay BGen. Flores.
Bukod rito, pinaigting din ang mentorship classes para sa mga upperclass cadet upang turuan sila ng tamang pamumuno. Isinama rin sa reporma ang regular na pagbibigay ng performance reports sa mga magulang ng kadete para magkaroon ng mas mahigpit na pagbabantay sa kanilang mga anak.
Alternatibong initiation sa halip na hazing, iminungkahi ng isang psychologist
Sa halip na hazing, iminungkahi ng psychologist na si Dr. Imelda Virginia Villar ang paggamit ng community service bilang paraan ng initiation sa mga fraternity at sorority.
“Sa halip na sumailalim sa pananakit, dapat ang initiation ay maging isang oportunidad para makatulong sa iba. Pwedeng gawing batayan ng pagiging miyembro ang paggawa ng proyekto para sa mga nangangailangan,” aniya.
Dagdag pa niya, ang matagumpay na pagtugon sa isang community project ang dapat maging basehan ng pagiging ganap na miyembro ng isang organisasyon, sa halip na marahas na pagsubok.
Muling iginiit ng Crusade Against Violence ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng mga kaso ng hazing upang mapanagot ang mga may sala at tuluyang mapigilan ang ganitong gawain.
“Dapat mag-report ang mga biktima at kanilang mga magulang. Kung walang magrereport, hindi matatapos ang hazing,”ani Gerarda Villa, President ng Crusade Against Violence.
Follow SMNI News on Rumble